F2 Logistics Cargo Movers kampeon sa PSL Grand Prix


KINUMPLETO ng F2 Logistics Cargo  Movers ang pagbangon matapos nitong biguin ang Petron Blaze Spikers sa loob ng apat na set, 25-20, 25-19, 25-20, 25-18, tungo sa pag-uwi sa titulo sa winner-take-all Game 3 ng 2017 Chooks-to-Go Philippine Superliga Grand Prix Sabado ng gabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Ang korona ay pangkalahatang ikalawa sa Cargo Movers matapos na iuwi ang titulo ng 2016 All-Filipino Conference sa pagtuntong nito sa ikatlong sunod na pangkampeonatong serye sa ilalim ng pamumuno ni coach Ramil De Jesus.

Hindi lamang itinala ng Cargo Movers ang pagiging ikatlong koponan sa liga na nagawang masungkit ang korona sa import-reinforced na torneo kung saan nabawian din nito ang Blaze Spikers na tumalo rito at umagaw sa kanilang korona sa ginanap din ngayong taon na All-Filipino Conference.

Nauna nang nagwagi ang Petron sa Game 1 bago na lamang nagawang bumawi ang F2 Logistics sa Game 2 at tuluyang agawin ang korona sa matira-matibay na Game 3 upang maging kauna-unahang koponan sa liga na nakaahon mula sa pagkakalasap ng kabiguan sa Finals.

Sinandigan ng Cargo Movers ang miyembro ng Venezuela national squad na si Maria Jose Perez sa mga krusyal na yugto ng ikaapat na set matapos na agad itulak sa 3-0 abante ang koponan at iniangat pa nito sa 8-4 abante bago kinumpleto ang kanyang kabayanihan sa pagtarak sa importanteng puntos.

Itinala ng Cargo Movers ang 20-13 abante sa ikaapat na set subalit umahon ang Blaze Spikers sa paghulog ng apat na puntos para lumapit sa 17-20. Dito na pinigil ni Perez ang pagbangon ng Petron sa kanyang matulis na spike sa 21-17 na nagpasimula sa 5-1 atake tampok ang pagpasok sa pangsungkit sa kampeonato na kill, 25-18.

Kinolekta ni Perez ang kabuuang 24 puntos na lahat sa kills habang si Cha Cruz ay may 16 puntos mula sa 13 kills at 3 service ace at 12 excellent reception. Nag-ambag din ang F2 Logistics import na si Kennedy Bryan ng 12 puntos tampok ang 3 block at 12 puntos din kay Mary Joy Baron na mayroon din 3 blocks.

Si Kim Fajardo ay may 30 excellent sets habang si Dawn Macandili ay may 14 na digs.

Agad hinablot ng Cargo Movers ang 6-2 abante na iniangat nito sa 9-3 sa pagsisimula ng unang set bago itinala ang pinakamalaki nitong abante sa 12-6.

Naghabol ang Blaze Spikers na nakadikit sa 11-12 upang pahigpitin ang labanan subalit muliing umatake ang Cargo Movers para sa 17-11 tungo na sa pagsungkit sa unang set, 25-20.

Kumolekta ang Cargo Movers ng kabuuang 16 na atake sa unang set, 1 block at 3 aces upang agad na kontrolin ang laban mula sa pagtutulungan nina Perez at Bryan habang tumulong din sina Baron, Cruz, Kim Fajardo at Aby Marano.

Naging mahigpit naman ang ikalawang set na huling nagtabla sa 13-all na iskor bago na lamang kumawala ang Cargo Movers matapos maghulog ng 7-2 atake upang itala ang 18-14 abante bago nakipagpalitan na lamang sa huli upang hablutin ang ikalawang sunod na panalo sa set, 25-19.

Gayunman, hindi basta nagpaiwan ang Blaze Spikers na nakipagpalitan ng iskor sa ikatlong set bago umahon mula sa 17-18 iskor sa paghulog ng apat na puntos para sa 21-18 abante bago sinundan ng 3-1 atake para maitala ang kabuuang 8-2 atake sa sumunod na paluan upang itakas ang panalo sa ikatlong set, 25-20.

Read more...