Kambal Karibal wagi sa social wit list ng WorldScreen.com

SIMULA nang umere sa GMA Network ang primetime series na Kambal, Karibal nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix, pumasok na agad ito bilang isa sa mga pinakapinag-uusapang serye sa social media nitong nakaraang Nobyembre hanggang ngayong Disyembre.

Base ito sa social wit list ng global trend-tracker na WorldScreen.com. Sa inilabas nitong data, mahigit 23,000 tweets ang naitatala ng serye sa mga episode nito kung saan pinakapinag-usapan ng netizens ang mga hashtag na #ExcitingPlot at #GreatCast.

Ayon pa sa report, ito lang ang Filipino show na nakasama sa nasabing listahan sa buwang ito. At dahil ‘yan sa masisipag at mga loyal fans ng tambalang BiGuel na walang-sawa sa pagsuporta sa pambatong young loveteam ngayon ng Kapuso Network.

Dahil dito, mas lalo raw nai-inspire ang magka-loveteam sa pagtatrabaho. Ayon kay Miguel, bawat episode raw ay talaang pinaghihirapan ng buong cast at ng production para mas lalong ma-hook ang viewers sa Kambal Karibal.

Sey naman ni Bianca, napakasarap sa pakiramdam kapag nababasa niya ang magagandang feedbacks mula sa mga netizen at televiewers patungkol sa kanilang teleserye. Mas lalo pa raw silang ginaganahan ni Miguel ngayon na tumodo sa bawat eksena nila.

Kasama pa rin sa Kambal Karibal ang mga award-wining actors na sina Christopher de Leon, Gardo Versoza, Jean Garcia, Carmina Villaroel, Marvin Agustin, Alfred Vargas at Ms. Gloria Romero. Ka-join din dito sina Kyline Alcantara, Pauline Mendoza, Jeric Gonzales at marami pang iba, sa direksyon ni Don Michael Perez.

Read more...