‘Urduja’ nagdulot ng baha, landslide sa Eastern Samar

Dumanas ng pagbaha at landslide ang maraming bahagi ng Eastern Samar dahil sa mga pag-ulang dala ng tropical depression “Urduja” habang ito’y lumalapit sa kalupaan Huwebes, ayon sa mga awtoridad.
Kaugnay nito’y sinuspende lahat ng biyahe sa mga pantalan, pati ang mga klase sa maraming bahagi ng Eastern Visayas, ayon sa Office of Civil Defense-8.
Kabilang sa mga nagsuspende ng klase ang Tacloban City at Ormoc City, buong lalawigan ng Northern Samar, limang bayan sa Biliran, walong bayan sa Leyte, pati ang Catbalogan City at lima pang bayan ng Samar.
Sampung barangay ang binaha sa Guiuan, Eastern Samar, tatlo sa Balangiga, dalawa sa Hernani, at isa sa Quinapondan, ayon naman sa Eastern Visayas regional police.
Nagkaroon naman ng landslide sa Brgy. Paya, Giporlos, at Brgy. Libas, San Julian, kaya di madaanan ng mga motorista ang kalsada doon.
Di bababa sa 1,246 pasahero na ang stranded sa mga pantalan ng Northern Samar at Southern Leyte, Huwebes ng hapon, ayon sa pulisya.
Sa katabing rehiyon ng Bicol, nakapagtala naman ng 2,910 stranded na pasahero mga pantalan ng Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate, alas-12 pa lang ng tanghali.
Mayroon na ring naitalang 65 nagsilikas sa Catanduanes at Camarines Sur, ayon sa Bicol regional police. (John Roson)
– end –

Read more...