SOBRANG nagpapasalamat si Jane Oineza sa Regal Films producers na sina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo dahil ipinagkatiwala sa kanya ang pelikulang “Haunted Forest” na entry ngayong 2017 Metro Manila Film Festival.
Napuri naman ng direktor ng “Haunted Forest” na si Ian Lorenos ang aktres dahil mabait at masunuring bata raw ang dalaga.
Kuwento ni Jane sa mediacon ng pelikula, “Lahat po kami ng mga kasama ko, sina Jameson Blake, Maris Racal and Jon Lucas, ay napaiyak sa tuwa nang malaman naming nakapasok ang movie namin sa filmfest.
“Ito pa talaga ang ipinangangako namin sa inyo, sisigaw kayo nang sisigaw sa takot kapag nanood kayo ng ‘Haunted Forest’. Kasi ganoon po ang nangyari sa amin nang mapanood namin ang movie. Sigaw po kami nang sigaw.
“Noong ginagawa po namin, wala naman kaming na-experience na natakot kami. Pero dahil mahusay ang director namin, nagawa niya talagang gumawa ng mga eksenang matatakot ang mga manonood,” dagdag pa ng dalaga.
Gagampanan ni Jane ang karakter ni Nika na anak ni Raymart Santiago. Umuwi sila ng probinsiya dahil doon na-assign si Raymart sa kanyang trabaho.
Nakitira sila sa pinsang si Mitch (Maris) at nakilala niya roon ang mga kaibigan nito, sina Andre (Jon) at PJ (Jameson).
“Dito nalaman ni Nika na may monster sa lugar na kung tawagin nila ay ‘sitsit’, gumagala raw sa lugar na nangunguha ng mga babae at si Nika ang naging biktima at dito nagsimula ang katatakutan sa pelikula,” kuwento pa ni Jane.
Ikalawang horror movie na ni Jane ang “Haunted Forest”, una siyang napanood sa “Bloody Crayons” mula sa Star Cinema na idinirek ni Topel Lee.
Maganda ang takbo ng movie career ni Jane ngayong 2017 at wish niya na sa darating na 2018 ay magkaroon na rin siya ng teleserye dahil breadwinner daw siya ng pamilya.
Sana nga matupad ang wish ng aktres dahil mahusay naman talaga siyang artista kaya nagtataka rin kami na bihira siyang magkaroon ng TV project.