Libya mas gusto pa rin ng Pinoy workers

PARANG kailan lang nang inililikas ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga kababayan natin mula sa Libya.

Nakausap ng Bantay OCW kamakailan ang mag-asawang nanggaling sa Libya noong kasagsagan ng kaguluhan doon.

Ilang pirasong damit at dokumento lang ang kanilang naiuwi–‘yung kasya lamang sa isang bag na kaya nilang bitbitin at wala nang iba pa.

Iniwan na nila ang lahat ng naipundar sa loob ng maraming taon ng kanilang pananatili sa Libya. Alam nilang higit sa lahat, buhay nila ang pinakamahalagang dapat mailigtas upang makabalik ng bansa.

Dalawang beses na rin kasing naranasan ng mag-asawang ito ang puwersahang pagpapauwi sa kanila. At aminado naman din talaga sila na kailangang makauwi na sila sa Pilipinas noong mga panahong iyon.

Dati-rati kasi, naging normal na lamang na tanawin sa kanila ang mga truck ng sundalong bumabiyahe araw-araw sa harap ng kanilang mga tahanan. Bahay – trabaho, trabaho – bahay ang tanging ruta nila noon.

Natutulog sila sa ingay ng mga putukan at nagigising sila sa mga putukan pa rin. Mas naninibago pa nga sila kapag tahimik at walang putukan. Pero, anila, mas delikado nga raw ‘yung wala silang naririnig na ingay.

Hindi na rin sila natutulog sa kanilang mga kuwarto kundi sa lapag na lamang ng kanilang sala dahil maaari umanonh pasukin sila ng mga ligaw na bala.

Ang mag-asawang ito rin ang unang nagpadala ng mga video sa Bantay OCW upang ipaalam na sarado na ang mga airport doon dahil maraming mga eroplano ang sinunog noon.

Makalipas ang tatlong taon, umaapela na ang pamahalaan ng Libya sa Pilipinas na kung maaaring bawiin na nito ang ipinatutupad na hiring ban sa mga Filipino workers.

Iginiit ng Libya na bumuti na ang sitwasyon ng seguridad sa kanilang bansa mula pa noong 2014. Ipinaabot din ni Charge D’ Affairs Ahmed Eddeb ng Libyan Embassy na nauunawaan nila ang pagkabahala ng pamahalaan ng Pilipinas para sa seguridad ng mga Pilipino roon. Kaya ngayon ay hinihikayat niya ito na muling i-evaluate ng mga opisyal ng Pilipinas ang lagay ng Libya.

Aminado si Eddeb na malaki ang ambag ng mga Pinoy sa ekonomiya ng Libya lalo na sa oil fields at humanitarian assistance sa mga ospital at klinika roon.

Dagdag pa niya, kung mapanganib pa rin sa Libya, hindi naman niya hihingin sa pamahalaan na bawiin na ang hiring ban.

Umaasa naman ang mga OFW nating nais magbalik-Libya na tutugunan ito ng positibo ng Duterte administration. Gusto pa rin nilang muling magbalik sa Libya at naghihintay lamang sila ng tamang panahon.

Matatandaang noong 2011, aabot sa 10,000 manggagawa ang nakasama sa repatriation program ng pamahalaan at karagdagang 4,000 naman noong 2014 matapos sumiklab ang civil war sa Libya.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...