MARAMI ang duda sa pahayag ni Atty. Larry Gadon na mayroong mayamang negosyante na naglagak ng P200 milyon para suhulan ang mga senador kapalit ng hindi pagsuporta sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang tanong ng mga miron, sinong negosyante naman ang magtatapon ng P200 milyon para kay Sereno?
Hindi naman daw lihim na walang impluwensya si Sereno sa kanyang kapwa mahistrado.
Ibig sabihin, si Sereno gaya ng ibang justices ng SC ay iisa lang din ang boto.
Kung negosyante ka at mayroong kang kaso sa SC, hindi lang si Sereno ang kailangan mo para manalo.
Mahigit kalahati ng 15 SC justices ang kailangan mo para manalo sa kaso.
Pagdating sa botohan, walang chief justice-chief justice, pare-pareho lang sila na iisa ang boto.
Kung may kagalit si Sereno sa mga kasama niya sa SC en banc, at mabalitaan nito na ang isang negosyante ang nag-alok ng P200 milyon para ma-acquit si Sereno, tapos na siya.
Kung gagawing batayan ang naging desisyon ng SC en banc, madalas ay nasa talunang panig si Sereno.
Bakit mo siya ngayon gagastusan ng P200 milyon?
Ang tanong ngayon ay totoo ba na may nag-aalok ng P200 milyon?
***
Umaangal ang mga progresibong kongresista na mula sa Makabayan bloc—Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, ACT, Kabataan—bakit daw ang mga pulis, sundalo at iba pang unipormadong kawani ng gobyerno ang may taas sahod sa 2018?
Ang pinakamababang ranggo ng Philippine National Police na PO1 ay makatatanggap na ng dobleng sahod. Gayundin ang Private ng Armed Forces at iba pang katumbas nito sa Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Philippine Public Safety College, Philippine Coast Guard, at National Mapping and Resource Information Authority.
Mula sa P14,834 ay magiging P29,668 na ang sahod ng pinakamababang ranggo simula sa Enero 1.
Malaking tulong ito sa kanilang pamilya, o mga pamilya.
Sabi ng mga militanteng grupo, bakit masyado naman daw espesyal ang mga unipormadong tauhan sa gobyernong ito.
Ang suweldo ng isang guidance counsellor na kinakailangang kumuha ng masters degree ay magiging katumbas na ng sahod ng isang kadete ng AFP.
Ang isang Associate Professor na may doctorate degree at ang Master Teacher II ay kapantay na ng suweldo ng First Lieutenant, na hindi kailangan dumaan sa kanilang pinag-aralan.
Sabagay sabi nga ng gobyerno, “darating tayo diyan” sa pagtataas ng sahod ng iba pang taga-gobyerno. Malay n’yo naman dumating.