Isyu ng human rights: Giuliani at Duterte

TAMPULAN ng sisi pa rin ng mga aktibista si Pangulong Digong sa isyu ng karapatang pantao o human rights habang ipinagdiwang ang International Human Rights Day noong Linggo.

Ilang libong drug at crime suspects ang napapatay matapos mailuklok si Digong sa Malakanyang.

Ang campaign promise ni Digong ay linisin ang bansa ng mga drug pushers, dealers at traffickers.

Ngayong ipinatutupad ni Digong ang kanyang pangako noong kampanya, nagulantang ang mga human rights groups dito at sa ibang bansa sa dami ng napapatay na mga masasamang-loob.

Oo nga’t may mga pulis na inabuso ang kanilang kapangyarihan sa walang awang pagpatay ng mga inosenteng mamamayan, na naging dahilan kung bakit inalis sa Philippine National Police (PNP) ang pangunahing papel sa anti-drug campaign at ibinigay ito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Pero mabibilang mo lang ang mga pulis na gumawa ng ganoong karahasan.

(Kung hindi pa ninyo alam, halos kalahati ng 150,000 na pulis sa buong bansa ay inutil, abusado at kurakot. Yan ay inamin ni Pangulong Digong minsan.)

Ang focus kasi ng mga aktibista ay human rights o karapatang pantao ng mga crime at drug suspects.

Pero hindi ba naiisip ng mga aktibista na may karapatang pantao rin ang naging biktima ng mga kriminal at drug traffickers.

Nilabag ng mga kriminal at drug traffickers ang human rights ng kanilang mga biktima.

Ngayon, alin ang dapat mong piliin, ang human rights ng mga biktima ng krimen at mga taong naging addict dahil sa pushers, o ang karapatang pantao ng mga masasamang-loob?

 

***

Sa mga bansa at international groups na bumabatikos sa administrasyon ni Digong dahil sa diumano’y human rights violations: Hayaan na ninyo kami na lutasin ang pansariling problema.

Nagagalit si Digong kung pinupuna ang kanyang administrasyon dahil sa human rights, at siya’y tama.

Hindi nag-ingay ang Pilipinas nang sinakop ng mga Amerikano ang Afghanistan at Iraq upang protektahan ang mga mamamayan nito sa US.

Naintindihan ng bansa na ipinagtatanggol lang ng US ang sarili nito.

Ganoon din ang ginagawa ng bansang Pilipinas sa mga kriminal at drug traffickers. Ito’y act of self defense.

Kapag hindi nalutas ang problema sa krimen at droga ngayon, masisira ang ating lipunan.

 

***

Ilang taon na ang nakararaan, nang maraming lugar sa New York City ay mapanganib na pasyalan, lalo na sa Central Park.

Maraming holdups sa kalye, pangkaraniwan ang akyat bahay at rape.

Ang dahilan? Droga.

Dumating si Rudolph Giuliani na gaya ni Rodrigo Duterte ay isang city prosecutor bago pumasok ng pulitika.

Nang maging mayor si Giuliani ng New York City, naging ligtas.

Ang mga masasamang-loob ay nawala.

Ano ang ginawa ni Giuliani?
Huwag ninyong sabihin na may hawak siyang wand at minadyik niya na tumahimik ang New York City.

Kung anong ginawa ni Giuliani ay ginawa rin ni Digong sa Davao City, pero mas nauna si Digong sa paggawa.

Kung ganoon, bakit hindi pinuna ng human rights groups ang New York City sa pamumuno ni Giuliani, at pinupuna si Digong?

Bago pa man tingnan ang dumi sa mata ng iba ay tumingin muna ang US government at human rights groups sa salamin at tingnan ang dumi sa kanilang mata.

Read more...