KAPIT lang AlDub Nation! Mukhang matutupad na ang wish n’yong muling magkasama sina Alden Richards at Maine Mendoza sa Eat Bulaga sa pagpasok ng Bagong Taon.
Ayon kasi kay Mr. Tony Tuviera ng APT Entertainment at TAPE, Inc., pagkatapos ng Christmas season, lahat ng naka-leave at nakabakasyon na Dabarkads sa Eat Bulaga, ay kailangan nang bumalik sa Jan. 1, 2018.
Nakipagchikahan si Mr. T sa ilang entertainment editors sa ibinigay niyang pa-thanksgiving lunch kahapon at dito nga niya sinabi na magbabalik na ang lahat ng mga host ng Eat Bulaga sa unang araw ng Bagong Taon.
Hindi man niya binanggit isa-isa ang pangalan, maaaring kabilang na rito ang Dubsmash Queen na si Maine na ilang araw nang hindi napapanood sa noontime show ng GMA 7. Balitang nasa Amerika ngayon ang dalaga para magbakasyon kasama ang kanyang pamilya.
Siguradong ikatutuwa ng fans nina Maine at Alden ang pagbabalik ng Phenomenal Star sa Eat Bulaga. Siyempre, umaasa pa rin sila na sa kabila ng inilabas na open letter ni Maine ay tuluy-tuloy pa rin ang pagpapasaya ng tambalang AlDub sa lahat ng Dabarkads all over the universe.
Kahit kami ay naniniwala hindi basta-basta bibitiwan ng EB ang AlDub tandem dahil hanggang ngayon ay milyun-milyon pa rin ang sumusuporta sa kanila. At feeling namin, napakarami pa nilang pwedeng gawin sa noontime show sa mga susunod pang taon.
Isa pa sa nami-miss ng manonood ay si Ryan Agoncillo na nakabakasyon pa rin hanggang ngayon matapos maoperahan dahil sa kinasangkutang aksidente. Inaasahan din ang pagbabalik ni Pauleen Luna sa noontime show next year matapos manganak sa panganay nila ni Vic Sotto.
***
Ibinalita rin ni Mr. Tuviera na sa second quarter ng 2018 ay baka lumipat na ang Eat Bulaga sa APT Studios, ang bagong building na ipinatatayo ng APT sa bandang Marcos Highway.
Isa itong four-storey building na may isang bonggang studio para sa live episode ng EB at isang studio for taping, tulad ng ginagawa nila kapag Holy Week at iba pang legal holiday.
Ibig sabihin kung wala nang magiging problema sa plano, sa APT Studios na magse-celebrate ng ika-40 taong anibersaryo ang longest noontime show sa Pilipinas na patuloy pa ring pinaghaharian nina Sen. Tito Sotto, Joey de Leon at Vic Sotto.
In fairness, mas malaki raw ito kesa sa Brodway Centrum na kasalukuyang tahanan ng Eat Bulaga kaya mas maraming Dabarkads pa ang maa-accommodate sa araw-araw na pagpapaligaya ng programa sa mga Pinoy.