Itinakda na ng Sandiganbayan Third Division ang pagbasa ng sakdal laban kay dating Vice President Jejomar Binay kaugnay ng iregularidad sa pagpapatayo ng Makati City parking building.
Ito ay matapos na ibasura ng korte ang apela ni Binay na baliktarin ng korte ang desisyon nito na mayroong probable cause ang kasong graft at malversation na inihain sa kanya ng Ombudsman.
Itinakda ng korte ang arraignment sa Enero 12, ala-1:30 ng hapon.
“The subject motions for reconsideration do not raise any new or substantial legitimate grounds or reasons to justify the reconsideration sought… [T]he hard reality is that the accused-movants failed to raise matters substantially plausible or compellingly persuasive to warrant their desired course of action,” saad ng resolusyon.
Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y pagmanipula sa bidding ng mga kontrata para mapunta ito sa MANA Architecture and Interior Design Co. at Hilmarc’s Construction Corp.
Ang architectural design and engineering services contract ay nakuha ng MANA. Nagkakahalaga ito ng P111.01 milyon.
Ang tatlong phase naman ng pagpapatayo ng gusali ay napunta sa Hilmarc. Nagkakahalaga ito ng P1.486 bilyon.
Si Binay noon ay mayor ng Makati City government.
Itinuloy naman ng kanyang anak na si dating Makati Mayor Junjun Binay ang Phase IV at V ng gusali sa halagang P790.73 milyon.
30
MOST READ
LATEST STORIES