Jinggoy pinayagang mag-HK with the family

Pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division si dating Sen. Jinggoy Estrada na pumunta sa Hong Kong.
    Nagpasalamat naman sa korte si Estrada na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel fund scam.
    “Malaking bagay yun sa aking pamilya lalong-lalo na sa aking mga anak na makasama ako sa ibang bansa,” ani Estrada.
    Hiniling ni Estrada sa korte na payagan siyang umalis kasama ang kanyang misis na si Precy at apat na anak para sa isang family bonding sa ibang bansa na matagal na nilang hindi nagawa matapos siyang makulong.
    Nakalabas siya matapos magpiyansa ng P1.3 milyon noong Setyembre 16.
    Sila ay aalis sa Disyembre 26 hanggang 31 patungong Hong Kong.
    Matapos makapagpiyansa, si Estrada ay unang lumabas sa bansa noong nakaraang buwan upang samahan ang kanyang ama na si Manila Mayor Joseph Estrada para makapagpagamot sa Singapore. Siya ay naglagak ng P2.6 milyong travel bond.
    Bukod sa kasong plunder, si Estrada ay nahaharap sa 11 kaso ng graft.
    Inakusahan si Estrada na tumanggap ng P1.83 milyong kickback mula sa mga non-government organization ni Janet Lim Napoles kung saan napunta ang kanyang pork barrel fund.

Read more...