Ultimate goal ni Austria

BAGO natapos ang buwan ng Nobyembre, nakumpleto ni Leo Austria ang personal Grand Slam ng parangalan siya ng PBA Press Corps bilang Coach of the Year sa ikatlong sunod na taon sa Annual Awards Night na ginanap sa Gloria Maris sa Cubao, Quezon City. Naiuwi tuloy ni Austria ang perpetual Virgilio “Baby” Dalupan trophy na 25 taon na pinag-aagawan ng mga coaches. Ang trophy na ito ang pwede na iuwi ng isang coach na nagwagi ng top award ng PBA Press Corps sa tatlong sunod na taon.

Ang mga muntik na nakakumpleto ng three-peat ay sina Perry Ronquillo, Vincent “Chot” Reyes at Paul Ryan Gregorio. Ang mga ito ay nagwagi ng dalawang sunod pero nabigo sa ikatlong pagkakataon.

Hands down choice si Austria sa taong ito dahil naihatid niya ang San Miguel Beer sa kampeonato ng PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup. Nais sana niyang makumpleto ang ikalawang Grand Slam para sa prangkisa subalit nabigo ang Beermen na makarating sa finals ng Governors’ Cup matapos matalo sa sister team Barangay Ginebra sa semifinals.

Ang Gin Kings ang siyang namayani sa Governors’ Cup kung saan dinaig nila ang Meralco sa pitong laro.

Siyempre bagamat masaya si Austria sa personal niyang na-accomplish kahit paano ay meron siyang panghihinayang. Kasi nga pangsarili lang niya ang kanyang nakumpleto at hindi para sa buong team.
Kaya naman pagpasok ng 43rd season ng PBA na magbubukas sa December 17 ay tiyak na pipilitin ni Austria na gawin ang lahat upang maisakatuparan ang pangarap na Grand Slam.

Intact ang starting unit ng San Miguel Beer na kinabibilangan ng four-time Most Valuable Player na si June Mar Fajardo, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Chris Ross. Aminado ang lahat na ito ang pinakamalakas na starting five sa liga. Katunayan sa kauna-unahang pagkakataon sa 42 year history ng PBA nitong nakaraang season pa lamang nangyari na apat na miyembro ng isang team ang bumuo sa Mythical First Five.

Si Lassiter lang ang hindi naging miyembro ng Mythical Five dahil ang kanyang puwesto ay napunta kay Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra.

So kung magbabalik ang limang ito ay malamang mahirapan ang eleven na ibang teams na pantayan ang kanilang lakas. E idadagdag pa rito ni Austria ang number one pick overall sa nakaraang Rookie Draft na si Christian Standhardinger na isang 6-foot-7 Fil-German na kasalukuyang naglalaro sa ASEAN Basketball Legue para sa Hong Kong Eastern Long Lions. Magiging available na siya sa dulo ng Philippine Cup.

Nasa poder ng Beermen sina Von Pessumal, Gabby Espinas, Matt Ganuelas-Rosser, Keith Agovida at Brian Heruela. Kung maaakay ng mga ito ang koponan sa unang bahagi ng Philippine Cup habang hinihintay si Standhardinger ay kaya nilang mapanalunan ang Philippine Cup sa ikaapat na sunod na pagkakataon. Never nagawa ito ng kahit anong team sa kasaysayan ng liga. At kung makukumpleto ni Austria ang four-peat ay tiyak na siya ay magiging Coach of the Year ulit ng PBA Press Corps.Pero hindi

‘yun ang kanyang ultimate goal. Dahil ang kanyang gusto ay ang Grand Slam.

Makakamit kaya niya iyon?

Read more...