F2 Logistics, Petron pasok sa 2017 PSL Grand Prix finals

UMUSAD ang F2 Logistics Cargo Movers sa finals matapos sibakin ang Cocolife Asset Managers, 25-17, 25-16, 25-17, sa 2017 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix knockout semifinals Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagtala sina Venezuelan import Maria Jose Perez at American reinforcement Kennedy Bryan ng 18 at 13 puntos para pamunuan ang Cargo Movers sa semis game na inabot ng isang oras at 25 minuto sa prestihiyosong torneo na suportado ng Mikasa, Grand Sport, Senoh, Mueller, Island Rose, Cloudfone at UCPB Gen.

“Sabi ko kailangan mas maging aggressive (kami) compared noong first meeting namin,” sabi ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus, na pinaalalahanan ang kanyang koponan kung ano ang nakataya sa kanilang laro kontra Asset Managers.

“Kasi very important ang game na ito, sabi ko sa kanila big game ito, sabi ko kailangan natin itaas ang level natin,” dagdag pa ni De Jesus, na ang koponan ay napanalunan ang titulo ng 2016 All-Filipino Conference.

Ang Cargo Movers, na nakapagtala ng back-to-back Finals appearance sa 2017 Season matapos maging runner-up sa likod ng Petron Blaze Spikers sa All-Filipino Conference, ay makakalaban naman sa PSL Grand Prix Finals ang Blaze Spikers na pinatalsik sa trono ang Foton Tornadoes, 30-28, 21-25, 25-23, 25-21.

Ang mga American imports na sina Shar Latai Manu-Olevao at Taylor Milton ay gumawa ng 13 at 10 puntos para sa Cocolife, na namigay ng 27 puntos para sa F2 Logistics mula sa kanilang mga ginawang error sa laro.

Nahulog naman ang Asset Managers sa battle for third ang Foton.

Ang panalo ng Petron ay nagwakas naman sa hangarin ng Foton na makapag-3-peat sa PSL Grand Prix.

Magsisimula ang best-of-three Finals ngayong Martes sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Read more...