PINAG-AARALAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal ang motorsiklo sa Edsa upang mabawasan ang trapik at mabawasan din ang bilang ng aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo.
Napag-alaman na inatasan ng Metro Manila mayors ang MMDA, na pag-aralan nito ang pagbabawal sa mga motorsiklong babagtas sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay Bong Nebrija, MMDA operations supervisor, sa naging pagpupulong ng Metro Manila Council (MMC), nakikita nilang isa sa mga solusyon ang pagbabawas ng volume ng motorsiklo sa kalsada, partikular na sa Edsa.
Sa datos ng MMDA, noong 2016 nasa 65,757 bilang ng mga motorsiklo ang bumabaybay sa EDSA, ikalawa sa grupo ng mga vehikulo na may pinakamaraming bilang. Nangunguna rito ay ang kotse.
Ayon kay Nebrija, titimbangin nila kung ano ang magiging epekto nito sa mga motorsita lalo na sa mga rider.
“We don’t want to put our biases and let our engineers study it first. We have to get the sentiments of the motorcycle riders,” ani Nebrija.