PALAGING pinagkukuwentuhan sa linya ng kanyang trabaho ang isang male personality na may kaangasan.
Talagang sa kahit anong paraan ay maglalabas at magpapalutang talaga ng maangas niyang atake ang lalaking personalidad.
Tanong nga ng kanyang mga katrabaho, bakit ganu’n, kung sino pa ang kulang sa height ay ‘yun pa ang may ipinararamdam na kayabangan?
Hindi nga kasi katangkaran ang male personality, guwapo siya, pero napakaliit niya kumpara sa mga kasamahan niyang artista sa serye.
“Kahit naman nu’ng nasa ibang network pa siya, e, palagi nang bumibida ang kasupladuhan niya, di ba? Isang channel na lang ang kailangan niyang pagtrabahuhan para masabing nakapag-full circle na siya.
“Du’n sa una niyang pinagtrabahuhan, marami ring naiinis sa kanya. May pagkasuplado kasi ang lalaking ‘yun, feeling ang tangkad-tangkad niya, e, hanggang siko nga lang siya ng mga basketball players!” napapailing na simulang kuwento ng aming source.
Bukod sa wala na siyang pakisama dahil palagi lang siyang nakakulong sa kanyang dressing room ay parang nanunukat pa ang kanyang tingin. Ayaw rin niyang kinakabog siya ng kahit sino.
“Naku, ipinagmamalaki niya palagi ang mga branded niyang kagamitan. Wala siyang kibo at hindi siya masyadong nakikisalamuha sa mga co-stars niya, pero wait, maririnig din ang boses niya kapag umaariba ang kahambugan niya!
“Sasabihin niya sa alalay niya, ‘Kunin mo ‘yung isang shoes ko, iba itong ibinigay mo sa akin! LV ito, ‘yung Gucci ang isusuot ko!’ Walang kibo ang hitod na ‘yun, ha, pero kapag ipinagbabanduhan niya ang mga branded stuff niya, e, maririnig mo ang boses niya sa buong kapaligiran!
“Kunsabagay, sabi nga ng ex niyang young actress, e, ‘yun din daw ang hindi niya kinayang ugali ng male personality. May kayabangan, samantalang bahagya nga lang siyang umangat sa lupa.
“Kung gaano kaigsi ang name niya, e, ‘yun naman ang lawak ng kaangasan niya. Tama, bakit nga ba ganu’n, kung sino pa ang bansutin, e, ‘yun ang may kaangasan?” pagtatapos ng aming impormante.
Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, alam na!