Rachel Alejandro ayaw nang magkaanak: Choice ko ‘yun!

HANGGANG ngayon pala ay wala pa ring anak ang singer-actress na si Rachel Alejandro.

Desisyon daw talaga niya at ng kanyang Spanish husband ang hindi na magkaanak, alam naman daw niyang isa itong “life changing decision” na hindi naman niya pinagsisisihan.

“People ask me ‘bakit?!’ But, I know it’s weird and it’s not normal and everyday I ask myself, ‘am I going to regret it?’ But it’s a choice I’ve made.

“And I guess it would be the most life changing choice. But thankfully may mga pamangkin ako who want to be singers like me. So feeling ko parang sila na rin yung mga anak ko,” ang pahayag ni Rachel sa isang panayam.

Recently, nakachika ng ilang members ng entertainment media ang singer pagkatapos ng special screening ng 2017 MMFF entry nilang “Ang Larawan” sa Promenade Greenhills cinema, dito niya ibinalita na super happy ng buhay niya ngayon.

In fairness, parang hindi rin tumatanda ang OPM icon dahil batambata pa rin siyang tingnan. Sa katunayan, hindi naging awkward ang tambalan nila ni Paulo Avelino sa “Ang Larawan” kahit pa medyo may edad siya sa Kapamilya hunk.

At siyempre, maligaya at mas inspired ngayon si Rachel dahil nakasama na nga finally sa MMFF ang kanilang musical drama film na isa rin sa mga pinagpiliang pelikula noong nakaraang filmfest. Sa wakas daw ay nabigyan ng chance ang “Larawan” na mapanood ng madlang pipol sa Pasko.

Isa kami sa maswerteng naimbitahan sa special celebrity screening ng pelikula at masasabi naming deserving talaga itong makapasok sa Magic 8 ng MMFF. Sulit na sulit ang paggising namin ng maaga (10 a.m. ang call time ng screening) para sa nasabing event.

Bukod sa napakagaling na performance ni Rachel bilang si Paula, pinalakpakan din ang superb acting at vocal prowess ng dating Miss Saigon star na si Joanna Ampil.

Ayon kay Rachel ang pinamakahirap na challenge na hinarap niya sa pelikula ay ang pag-aaral kumanta habang nagdadrama nang bonggang-bongga!

“One of the hardest things I had to do, I had to take voice lessons to sing in the style of the period.

Nawala yung pop style ni Rachel Alejandro, kailangan hindi nila makita si Rachel sa movie and I had to sing it a lot softer, parang may theatrical style,” aniya.

Isa raw sa mga paborito niyang eksena ay, “I always say the walang ilaw scene, kahit sa stage play. Yun ang inaabangan ng lahat kasi ito yung laughing into hysteria into sobbing ni Candida (Joanna), pati yung mga nakapanood na sinasabing isa yun sa favorite highlights nila sa movie.”

Bukod diyan, isa pa sa dapat abangan ang breakdown scene ni Joanna bilang si Candida kung saan pinagsisihan niya ang ginawang pagtataboy sa kapatid na si Paula. For that scene alone, hindi na kami magtataka kung siya ang magwaging Festival Best Actress this year habang pang-best supporting actress naman si Rachel.

Agree rin kami sa sinabi ng singer-actress na magiging proud ang bawat Pinoy sa obrang ito ni Loy Arcenas, “Sobrang matutuwa kayo, talagang tataba ang inyong puso at maaalala ninyo what it means to be Filipino. This is something new sa MMFF.”

At isa pa sa effect ng “Larawan”, paglabas n’yo ng sinehan nag-uusap na rin kayo ng mga kasabay n’yong nanood nang pakanta!

Ibinase ang pelikulang “Ang Larawan” sa stage play na “A Portrait of the Artist as Filipino” ni National Artist for Literature Nick Joaquin which also features music from Maestro Ryan Cayabyab and lyrics from Rolando Tinio.

Bukod kina Rachel, Paulo at Joanna, kasama rin dito sina Celeste Legaspi (isa rin sa mga producer), Robert Arevalo, Nonie Buencamino, Menchu Lauchengco-Yulo, Zsa Zsa Padilla, Aicelle Santos, Cris Villonco, Ogie Alcasid, Sandino Martin, Rayver Cruz, Dulce at marami pang iba.

This is co-produced by Rachel Alejandro, talent manager Girlie Rodis and Heaven’s Best Productions nina Harlene Bautista.

Nauna nang pinuri at pinalakpakan ang pelikula nang ipalabas ito sa 30th Tokyo International Film Festival noong nakaraang buwan.

Read more...