‘20/30 Anniversary Album’ nina Dingdong at Jessa pinabongga


DOBLENG musical excitement ang dala ng Star Music ngayon dahil ang OPM hitmakers na sina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado ay may handog na joint album, ang pinakaaabangang “20/30 Commemorative Anniversary Album,” sa pagdiriwang ng kanilang ika-20 at 30 anibersaryo sa showbiz.

Tampok sa espesyal na album na ito ang 10 magagandang awitin at dalawa pang bonus na kanta kabilang na ang ilan sa kanilang mga orihinal na awit, kaabang-abang na revivals, at isang duet na pinamagatang “Panghabangbuhay.”

Kasama sa mga awitin ni Jessa ang “Hindi Na Bale” kasama si Michael Pangilinan, at ang “Maghihintay Sa’yo” na unang inawit at pinasikat ni Dingdong. Kabilang rin dito ang mga pinasikat na awitin ng Phenomenal Diva na “Ibigay Mo Na” at “Ikakasal Ka Na.”

Kasama naman sa handog ni Dingdong ang OPM classic mula kay Rey Valera na may titulong “Walang Kapalit” at ang kanyang bersyon ng “Paalam Na” na siya mismo ang nag-compose at unang inawit ni Rachel Alejandro. Kasama niya sa awiting ito si Angeline Quinto.

Hindi makukumpleto ang album kung wala ang hits medley ni Jessa kasama ang mga kantang “Bakit Pa,” “Pa’no Kaya,” at “Di Ba’t Ikaw,” ngunit tampok naman dito ang Prince of Pop bilang mang-aawit.

Bahagi rin ng album ang “Wish I Could” ni Dingdong na ngayon ay inawit ng kanilang anak na si Jayda Avanzado. Handog naman ni Jessa ang theme song ng bagong ABS-CBN Kapamilya Gold series na “Hanggang Saan,” ang kantang “Sa Ngalan ng Pag-ibig.”

Bukod sa mga ito, meron pang bonus tracks na “Bakit Mo Ako Iniwan” ni Jessa at “Iibigin” ni Dingdong.

Pwede nang mabili ang inaabangang album sa “20/30: Dingdong Avanzado and Jessa Zaragoza Anniversary Concert”.

Read more...