NAIS ni Meralco head coach Norman Black na paigtingin ang kampanya ng koponan sa darating na season ng Philippine Basketball Association (PBA).
Pero hindi pa man nagbubukas ang unang conference ng season na Philippine Cup ay nalalagay na sa alanganin ang misyon nitong masungkit ang kampeonato.
Ito ay dahil bubuksan ng Meralco ang season sa Disyembre 17 na wala ang dalawa sa kanilang sinasandalang manlalaro.
Sinabi ni Black na kasalukuyan pang nagpapagaling sa injury sina Ranidel de Ocampo (calf injury) at Cliff Hodge (ankle) at malamang na sa Enero pa sila muling makakapaglaro.
“Ranidel and Cliff won’t be starting the conference with us because of injuries, hopefully Reynel Hugnatan will be back in time for the start of the conference,” sabi ni Black kahapon pagkatapos ng ensayo sa Meralco Gym.
Sa pagkawala nina De Ocampo at Hodge ay biglang naging manipis ang frontcourt ng Meralco.
Kaya naman aasa si Black sa 14-year veteran na si Reynel Hugnatan at sa iba pa niyang manlalaro na mag step-up at magtulong-tulong lalo na sa rebounds.
“It’s going to be a little difficult for us especially missing key players,” sabi ni Black. “We’ll just try to be as competitive as possible.”
Umabot sa Finals ng Governors Cup ang Bolts sa huling dalawang season pero nabigo silang makausad sa postseason ng Philippine Cup sa nakalipas na dalawang taon.
Kaya naman balak sana ni Black na humataw ang koponan sa darating na Philippine Cup para makabawi.
“We haven’t done well in the past two All-Filipino conferences so we have to be a lot more competitive this time around,” aniya. “We just have to play it out and see what happens.”
Sa huling dalawang Philippine Cup ay may pinagsamang record ang Meralco na 4-18.
Sa mga conference na may import ay may 30-14 kartada naman ang koponan ni Black.
“My small guys are competitive, even our big guys are competitive so I’m not taking anything from them, but we don’t have a June Mar Fajardo, Greg Slaughter, Ian Sangalang, or Raymond Almazan, and that’s pretty much the big difference in the All-Filipino,” dagdag pa ni Black.
Kulang sa big-man ang Meralco at kahit pa makapaglalaro si De Ocampo ay malamang na mahihirapan ito na bantayan ang mga tulad nina Fajardo, Slaughter, Sangalang at Almazan.
Dagdag pa ni Black, sina De Ocampo at Hugnatan (na may combined 27 years of PBA experience) ay mga natural na stretch four ay hindi mga post-up players.
Gayunman, umaasa pa rin si Black na makapagbibigay ang kanyang koponan ng magandang laban sa Philippine Cup.
“We just have to set out and work as hard as we can,” sabi ni Black. —Inquirer.net