Bakit sasablay ang HOV lane sa Edsa?

NAGPASABI ang Metropolitan Development Authority o MMDA na balak nilang magpatupad ng tinatawag na High Occupancy Vehicle Lane (HOV) sa kahabaan ng EDSA at sisimulan ang experiment sa Lunes, December 11, 2017.

Sa totoo lang, matagal ko na rin pinag-isipan ang iminungkahing pagpapatupad ng ganitong klase ng sistema sa mga lansangan para mabawasan ang bilang ng sasakyang sa EDSA.

Sa California sa Amerika, isa ito sa pinakamatagumpay na paraan para mabawasan ang dami ng sasakyan sa kalye nila, partikular sa San Francisco at Los Angeles. Ginawa ang scheme na ito para mas mabilis ang biyahe ng mga sasakyang madami ang sakay dahil may sarili silang linya na babaybayin.

Sa EDSA, nais ng MMDA na ilagay sa pinakakaliwang lane o HOV lane o mas kilala sa tawag na Carpool lane sa Amerika, sa gitna ng MRT at Motorcyle lane. Napakagandang plano ito kung hindi lang sa ilang bagay na maaaring maging problema sa EDSA pag ipinatupad ito.

Unang nakikita kong problema ay ang mga U-Turn slots sa bandang Norte ng Edsa sa pagitan ng Monumento at Quezon Avenue. Papaano iiwas ang HOV lane sa mga mag-u-U-Turn, magiging dagdag lang sila sa ngayon ay magulo nang sistema roon. Ganon din ang sitwasyon sa may paglagpas ng Tramo.

Speaking of Tramo, isa rin sa nakikita kong problema ng HOV lane ay ang mga access ramps ng flyover na nasa kaliwang bahagi tulad nga ng Tramo Flyover sa southbound lane at Estrella Flyover sa northbound lane ng EDSA.

Siyempre hindi mawawala ang makasaysayang Ortigas Flyover na pinakamalaking sanhi ng gulo sa EDSA.

Idagdag na rito ang tulin ng takbo sa EDSA na depende sa pag-iisip at nerbiyos ng driver at hindi sa mandated speed limit. Nasa kaliwa pero mabagal, nasa kanan pero rumaratsada, lahat wala sa ayos.

At isama pa ninyo ang enforcement na, huwag na tayong magbiruan, isa sa pinaka-walang kuwenta pagdating sa batas trapiko. Kahit sabihin pa na bawal sa batas magkumpol ang mga enfocers sa isang lugar, lagi pa rin silang ganun, kahit ayaw maniwala ng mga boss nila sa katotohanan.

Sana makakita ang MMDA ng mga solusyon sa mga nabanggit nating problema.
Sana hindi maging lalong sanhi ng gulo ang HOV lane. Sana ay ma-ging simula ito ng disiplina sa hanay ng motorista at ng mga enforcer para umayos ang mga driver sa lansangan.

Sana nagbabasa sila ng sinasabi natin dito!

Auto Trivia: Si Charles Goodyear ang nakaimbento ng proseso ng vulcanizing noong 1893.
Aksidente niyang nalaglag ang isang piraso ng India rubber na may sulfur sa mainit na stove at nakita niya na puwede palang gawing pamasak ito.
Ang Goodyear Tire and Rubber company ay ipinangalan kay Charles ni Frank Seiberling noong 1898.

Para sa komento o suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...