HINDI nawawala ang mga ngiti sa labi ni Jon Lucas dahil sa unang pagkakataon ay kabilang siya sa pelikulang “Haunted Forest” ng Regal Films na entry sa 2017 Metro Manila Film Festival at mapapanood simula Dis. 25.
Gagampanan ni Jon ang karakter na Andrei at unang beses din siyang magkakaroon ng pelikula sa Regal Films kaya nagpapasalamat siya sa tiwalang ibinigay sa kanya ng mga producer na sina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo.
“Mula po pagkabata ay napapanood ko na ang ‘Shake, Rattle & Roll’, talagang ito po parati ang pinapanood ko kapag MMFF, kaya ang sarap ng pakiramdam na kasama na ako ngayon. Dati manonood lang ako, ngayon nandito na ako sa Regal. Ang sarap sa pakiramdam,” sabi ni Jon.
At ang exciting part para sa Hashtag member ay ang pagsakay sa float ng buong cast ng “Haunted Forest”.
Samantala, regular pa rin si Jon sa It’s Showtime at hoping na magkaroon din siya ng teleserye pagdating ng tamang panahon.
“Sana po magkaroon, ipapanalangin po natin ‘yan,” saad ng binata.
May nagawang indie movie si Jon kasama si Michelle Vito, ang “Timog Love Story” pero hindi pa niya alam kung kailan ito ipalalabas.
Hiningan ng reaksyon si Jon tungkol sa isang basher na nagsabing sana raw ay siya na lang ang namatay at hindi si Franco Hernandez na kapwa niya miyembro ng Hashtag.
“May nagsabi nga po na Twitter user, wala naman po akong reaksyon, sabi ko lang, ‘sana nga kahit hater kita napasaya kita kahit minsan’
“Hindi naman po ako nagalit o nainis sa kanya kasi hindi naman po magkakatotoo ang sinabi niya, tinanggap ko na lang po na may mga ganu’n tao sa social media na kahit anong sabihin nila ay akala nila okay lang. Hindi po ako pumatol.
“Tapos nu’ng maraming nag-bash sa kanya, nag-status na ako na huwag na siyang patulan, hayaan na lang natin,” say ni Jon.
Naglabas kamakailan ng sama ng loob ang girlfriend ni Franco na si Janica Nam Floresca at sinisisi nito ang mga bangkero sa pagkamatay ng binata dahil hindi raw sila inasikasong mabuti, at damay na rin ang isa pang Hashtag member na si Tom Doromal na siyang nag-imbita para magbakasyon sila sa kanilang beach resort.
Si Jon ang nagpakita ng suporta kay Tom na naiipit sa lahat ng pangyayari.
“Nag-post po ako ng pag-support kay Tom kasi ang dami ko na pong nababasang comments ng mga tao na sobrang foul na po.
“Lilinawin ko lang po ‘yung side nu’ng girl, hindi po ako against doon, hindi ko po sinasalungat lahat ng pangyayaring sinabi niya, hindi ko po kinontra ‘yun.
“Ang akin lang po kaya ako naglabas ng mga ganu’n direkta po iyon sa bashers na nanghuhusga at naninisi kay Tom. Sana huwag na nating sisihin ‘yung tao dahil unang-una wala naman tayo lahat doon sa pinangyarihan saka hindi natin alam talaga kung ano ang nangyari.
“Sa panahon ng struggle, hindi mo dapat sisihin ang isang tao dahil ang gusto mong iligtas ay ang sarili mo.
“Kung may pagkakataon kang iligtas mo ang ibang tao, gawin mo kung kaya mo rin, pero siyempre sa panahon ng nagpa-panic ka hindi mo na alam ang mga nangyari,” paliwanag mabuti ni Jon.
Dagdag pa niya, “Naniniwala po ako na lahat ng nangyayari sa buhay ng isang tao ay kagustuhan lahat ng Diyos.”
As of now ay pinipilit ng grupo ng Hashtag na makapag-move on na sila dahil mahirap naman kung patuloy pa rin nilang iisipin at didibdibin ang pagkawala ni Franco dahil baka maapektuhan naman ang trabaho nila.
Going back to “Haunted Forest” na idinirek ni Ian Lorenos, may bago naman daw na ipapakita sa pelikula dahil kumbinasyon ito ng family story, love story, drama at may aral pa, say mismo ng direktor.
Uso sa liblib na lugar ang “sitsit” o yung bigla na lang may sumisitsit kaya huwag ka raw lilingon o lalabas ng bahay sa hantinggabi dahil baka hindi na makabalik ng bahay o hindi ka na mahanap ng pamilya’t mga kaibigan.