Robin nag-aalala sa bagong trabaho ni BB Gandanghari: Uber driver na kasi siya sa US!

Si BB Gandanghari ang pinakamalapit kay Robin Padilla ngayon sa lahat ng kanyang mga kapatid. Ito’y kahit na pisikal silang magkalayo dahil nga sa Amerika na naka-base ngayon si BB.
Ayon kay Binoe, napapadalas ang pag-uusap nila ngayon ni BB kasabay ng pagbabalita na nagtatrabaho na raw ang kanyang “sister” bilang Uber driver sa US. Dahil dito, nag-aalala raw siya para sa kaligtasan ng nakatatandang kapatid.
“Nandoon siya sa America nakikipagsapalaran. Uber driver siya doon. Medyo kinakabahan lang ako dahil siyempre Amerika ‘yun. Hindi ko naman kabisado ang mga tao doon.
“Kung saan-saan siya minsan pumupunta. Nagko-cross country siya para sa mga hindi niya kilala,” ang pahahag ni Robin nang mag-guest sa Magandang Buhay kahapon.
Naaalala pa raw niya kung paano siya nakikipag-away noon para kay BB, “Noong mga bata kami, kaming dalawa talaga ‘yung magkasama niyan. Kaya siguro 80% ng away ko, tungkol sa kanya ‘yun kasi lagi siyang tinutukso noong araw. Siyempre kapatid ka, masakit sa tenga mo ‘yun. Hindi ko makakalimutan na kaming dalawa talaga ang magkasama noon. Hanggang ngayon. Iba na nga lang ngayon dahil babae na siya.”
Sa isang video message, binati naman ni BB si Robin sa tagumpay ng reunion movie nila ni Sharon Cuneta, ang “Unexpectedly Yours” under Star Cinema.
“Congratulations sa isang napakalakas na pelikula. I feel so nostalgic about the ‘Maging Sino Ka Man’ days. Congratulations to you and Sharon. Tama ang lahat ng naririnig ko because wala kayong kupas. Itayo natin ang bandila ng mga ’90s. You are the icon of the ’90s. I’m really very happy for you,” ani BB.

Read more...