DU30 hawak na ang rekomendasyon sa martial law | Bandera

DU30 hawak na ang rekomendasyon sa martial law

John Roson |December 05,2017
facebook
share this

DU30 hawak na ang rekomendasyon sa martial law

John Roson - December 05, 2017 - 04:08 PM
Isinumite na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang rekomendasyon kung palalawigin pa o hindi ang martial law sa Mindanao. “We already submitted our recommendation yesterday,” sabi ni Lorenzana sa mga reporter sa Camp Aguinaldo, Martes. Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Armed Forces chief Gen. Rey Leonardo Guerrero na isinumite naman niya ang kanyang rekomendasyon kay Lorenzana. Tumanggi sina Lorenzana at Guerrero na sabihin kung inirekomenda nilang palawigin o hindi ang martial law, dahil ang Malacanang ang mag-aanunsyo nito. “The factors of the recommendation is still the prevailing situation in Mindanao,” sabi lang ni Lorenzana. Matatandaang isinailalim ni Pangulong Duterte ang buong Mindanao sa martial law noong May 23, nang simulang kubkubin ng ISIS-backed na Maute group ang Marawi City. Sa gitna ng batas militar, inutos ni Lorenzana, na siya ring martial law administrator, ang pag-aresto sa 324 katao para sa rebelyon, dahil sa krisis sa Marawi. Idineklara ni Pangulong Duterte na “liberated” ang Marawi noong Okt. 17, isang araw matapos mapatay sina Isnilon Hapilon at Omar Kahyam Maute, ang dalawa sa mga namuno sa siege. Tumahimik sa Marawi matapos ang liberation, bagamat may mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan at militar na nagsasabing nagre-recruit na ulit ang Maute group sa mga katabing bayan na sakop ng Lanao del Sur. Nitong mga nakaraang araw, sumentro naman ang bakbakan sa mga bahagi ng Mindanao kung saan nago-operate ang New People’s Army. Sinalakay ng aabot sa 200 kasapi ng rebeldeng grupo ang police station ng Binuangan, Misamis Oriental, nitong Linggo. Pitong rebelde naman ang nasawi at 10 ang sumuko sa pakikipagsagupa sa mga tropa ng pamahalaan sa Lake Sebu, South Cotabato, nang araw ding iyon.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending