ALAM mong malapit na ang Pasko kung: 1. Lalong sumikip sa trapik ang matagal nang masikip na trapik sa Edsa, 2. Parang pila sa pelikula ni Vice Ganda ang dami ng tao sa malls, 3. Kaliwa’t kanan ang planong reunion at party ng mga classmates mo sa Facebook, 4. Mas lalong naging isang malaking lata ng sardinas ang mga bagon ng LRT at MRT dahil sa dami ng mga pasahero, at 5. Lahat ay nagpaplanong sumugod sa Greenhills, Baclaran, at Divisoria.
Isa pa, alam mong malapit na ang Pasko kapag nagsisitaasan na ang mga presyo ng mga Noche Buena items gaya ng fruit cocktail, all-purpose cream, ham, at mga ingredients ng spaghetti.
Kaya naman nagbanta na ang Department of Trade (DTI) and Industry sa mga negosyante na nagbebenta ng mga produkto na mas mahal kesa sa suggested retail price (SRP).
Pero sa ginagawang mga pagmo-monitor at crackdown sa mga lumalabag umano sa mga batas ukol sa Fair Trade gaya ng Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines; RA 7581 o Price Act; at RA 4901 o Standards Law, mas pinagdidiskatahan ng otoridad ang mga maliliit na negosyante kesa mga higanteng malls at department stores.
Humirit nga si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa DTI na imbes na ang mga vendors sa Divisoria at Baclaran ang ginigipit ay bakit hindi nito bantayan ang mall at mga groceries na napakamahal ng mga paninda.
Karamihan ng mga namimili sa Divisoria at Baclaran ay mga simpleng tao na hindi kayang mamimili sa mga malls at groceries, dagdag ni Imee, kaya saan pa hahanap ng mas murang pamasko ang masa kung gigipitin ang mga maliliit na negosyante?
Kadalasan pa nga, dagdag niya, ay hindi sinusunod ng ilang malls at supermarkets ang itinakdang SRP pero hindi agad namo-monitor ng DTI dahil walang nagrereklamo.
Kaya nga pinapayuhan ang mga mga mamimili na maging mapagbantay sa kanilang mga binibili lalo ngayong mga panahon.
At ireklamo ang mga ganid na negosyante upang magtanda, huwag nang tangkilikin ang mga establisimentong grabe kung magpatong ng tubo, at mamili na lang doon kung saan makakamura.
Sugod na sa Divisoria!