PMA at PNPA, langit at lupa ang layo sa disiplina

IPINAGMAMALAKi ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, chief ng Philippine National Police (PNP) ang kanyang anak na si Rock dahil natapos nito ang matinding training bilang plebo (plebe) ng Philippine National Police Academy (PNPA).
“I told my son I’m proud of him,” sinabi ni Bato sa mga reporters na nag-cover ng recognition day ng mga bagong kadete sa PNPA.
Susmaryosep, Bato, mahiya-hiya ka naman!
Hindi naghirap si Rock, at hindi siya nakanti ng mga upperclassmen dahil siya’y may kasamang bodyguards sa loob ng campus ng PNPA, ayon sa mga nakausap kong mga nasa loob ng PNPA.
“Madalas pa nga na di natutulog si Rock sa barracks at natutulog kung saan at maaaring sa kanilang bahay sa Camp Crame,” sabi ng isa sa mga taga-loob.
First time sa kasaysayan ng PNPA na hindi nadisiplina ang isang plebo, ang tawag sa first year student sa PNPA at maging sa Philippine Military Academy (PMA).
Ang dahilan ay may mga bantay si Rock at natatakot ang kanyang mga upperclassmen na disiplinahin siya.
Ganoon ang disiplina sa PNPA, may favoritism.
***
Yamang nandito na tayo sa disiplina sa PNPA, halungkatin natin kung paano dinidisiplina ng mga upperclassmen ang mga lower-class cadets.
Sa mga kadete sa PNPA, may tinatawag silang “financial hazing” na kapalit sa full-body contact o pananakit sa mga plebo.
Sa financial hazing, uutusan ng upperclassman ang isang plebo na gumawa ng pera upang gamitin nito, halimbawa, sa pag-date sa kanyang girlfriend.
Ang pobreng plebo, siguradong kukuha sa kanyang monthly allowance na binibigay ng gobiyerno upang mapagbigyan ang kanyang upperclassman.
Sa PNPA, tinuturuan na ang kadete na magdilihensiya.
Ang mga nakatapos sa PNPA ay nagiging police inspector.
***
Malayong-malayo ang disiplina ng mga kadete sa Philippine Military Academy o PMA kumpara sa disiplina sa PNPA.
Parang layo ng langit sa lupa.
Sa PMA, walang sinasantong anak ng sinong Poncio Pilato, lahat ay pantay-pantay ang trato.
Maraming anak ng general at politicians ang hindi nakatiis sa tindi ng hirap sa PMA sa unang taon nila kaya’t umalis.
Isang kadete na pamangkin daw ni Pangulong Marcos noong siya’y nasa puwesto pa ang ginapang ng mga kadete sa kanyang hospital bed at pinagbubugbog doon.
Ang nasabing kadete kasi ay nagma-malinger o nagsasakit-sakitan upang makaiwas ng mga mahirap na drill at disiplina.
May isa namang kadete na anak ng isang mataas na opisyal ng Department of National Defense noong panahon ni Marcos ang nahuling nag-cheat sa exam.
Dahil magaling ang bata ay hindi siya napatunayang nag-cheat, pero ang hatol sa kanya ng honor committee, na kinabibilangan ng mga kadete, ay tanggalin siya.
Nag-insista itong mamalagi sa PMA.
Tuwing kainan o chow time, walang tumatabing kadete sa kanya at binabato siya ng balat ng saging at kung anu-anong pagkain ng kapwa niya kadete sa hapag kainan.
Hindi rin siya tumagal at umalis.
Ganoon ang disiplina sa PMA.
Ang mga nagtapos sa PMA ay nagiging second lieutenant o segundo tenyente sa Army at Air Force o ensign sa Navy.
***
Ilang araw pa lang matapos maluklok sa puwesto ang bagong inspector na graduate ng PNPA, ang hanap niya agad ay kung sino ang madidilihensiyahan o sa paanong paraan.
Samantalang ilang taon ang bibilangin upang maging corrupt ang isang bagong graduate ng PMA.
Nahahawa na lang sa pangungurakot ang bagong graduate sa PMA ng mga nakakataas sa kanya.

Read more...