Bagong batas sa HIV/AIDS pasado na sa Kamara

Inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na magpapalakas sa kampanya ng gobyerno laban sa HIV/AIDS.
    Sa botong 188-0 at walang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House bill 6617 o ang Philippine HIV and AIDS Policy Act na papalit sa Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998.
    Nakasaad sa panukala ang pagkakaroon ng anim na taong national multi-sectoral HIV and AIDS Strategic Plan o AIDS Medium Term Plan kung saan nakapaloob ang estratehiyang gagamitin sa paglaban sa sakit.
    Magkakaroon din ng malawakang information drive para magkaroon ng sapat na kaalaman ang publiko at hindi na mahawa o makahawa.
    “Pero kailangan lang bigyang diin na hindi natin tinatalakay ang panukalang ito ngayon dahil lamang sa World AIDS Day na naganap noong nakaraang linggo, kundi dahil linggo-linggong tumataas ang bilang ng mga kaso ng HIV sa bansa; dahil araw-araw na nakakaranas ng diskriminasyon at panghihina ng loob ang mga persons living with HIV o mga PLHIV; at dahil sa bawat araw na dumadaan na hindi tayo nagtatakda ng mas epektibong mga tugon sa isyung ito, araw-araw rin nating hinahayaan na mas lumaki nang lumaki ang suliraning kinahaharap natin,” ani Dinagat Island Rep. Kaka Bag-ao, may-akda ng panukala.
    Kasama rin sa panukala ang pagkakaroon ng malakas na probisyon para sa confidentiality at right to privacy ng mga taong nahawahan ng HIV.

Read more...