Sereno hinamon na sa pagdinig sumagot, hindi sa media

    Sa halip na sa media sumagot, hinamon ni House Speaker Pantaleon Alvarez si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na humarap sa pagdinig ng House committee on justice.
    “Ang sinasabi ko, dahil nga hindi siya nag-aappear doon sa hearing, talagang paano niya didepensahan yung sarili niya hindi ba? Tapos maglalabas na lang siya ng mga statement sa media, hindi naman valid yun,” ani Alvarez.
    Noong Huwebes ay dumalo si Sereno sa youth forum sa University of the Philippines kung saan niya sinabi na lalabanan ang mga panawagan na siya ay magbibitiw at iginiit na wala siyang maling nagawa.
    Sinabi ni Alvarez na kung haharap si Sereno sa pagdinig ng kanyang impeachment complaint ay maaari nitong maipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga alegasyon sa kanya.
    “Kaya kailangan talaga siyang pumunta doon para i-disprove yung mga allegations at yung mga ebidensya na inilahad laban sa kanya. Alam naman niya yan dahil abugado rin iyan, nagpa-practice,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
    Noong Miyerkules ay dumalo sa pagdinig si SC Associate Justice Teresita de Castro at sinabi nito na binago ni Sereno ang ginawa niyang temporary restraining order kaugnay ng petisyon ng Senior Citizens partylist at iba umano ang ipinalabas nitong utos sa napagkasunduan sa en banc.
    “Maganda naman ang testimonya ni Justice Teresita De Castro at ni Administrator Midas Marquez. At marami pa rin kaming ipapatawag po na testigo at isa-subpoena na mga dokumento,” ani Alvarez.
    Iginiit ni Alvarez na ang impeachment ay alinsunod sa mandato ng Kamara. Kailangan ng one-third o 98 boto ng mga kongresista upang ma-impeach si Sereno at mapadala ang reklamo sa Senado na magsasagawa ng impeachment trial.
    “Kung magreresign nga siya, so talagang titigil kasi wala na tayong iniimpeach. Ngunit kung hindi siya magreresign ay patuloy pa rin yung pag-gather natin ng ebidensya ukol doon sa mga alegasyon na nasa complaint ni Atty. (Larry) Gadon,” anang Speaker.

Read more...