INATASAN ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez ang commissioner nito na si Charles Raymond Maxey para sa full blast na pag-implementa ng grassroots sports development program ng ahensiya sa Mindanao.
Kinausap mismo ni Ramirez sa Davao City si Maxey, na siyang oversight commissioner para sa Mindanao, upang tagubilinan na “We must take a move and make our programs felt in Mindanao.”
Ayon sa PSC chief, hindi gaanong nabibigyan ng pansin ang Mindanao sa larangan ng sports sa mga nakalipas na administrasyon at nais nito na maranasanan naman ng rehiyon ang iba’t-ibang programa na nasa pamamahala ng PSC sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
“Plan for your programs and calendar of activities for 2018 and present it during the upcoming coordinators meeting,” sabi nito kay Maxey pati na rin sa bumubuo sa buong Philippine Sports Institute (PSI) Davao coordinators na dumalo sa isinagawang miting sa Cafe Demitasse sa Davao City.
Tinukoy ni Ramirez na nagpahayag din ng pagsuporta ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (Ched) sa pagsasagawa ng PSC grassroots sport programs.
“I have talked to DILG Usec (Austere) Panadero and Deped Usec (Tonisito) Umali and they are very much willing to help and support our grassroots programs. Mas klaro na jud atong partnerships karon (Our partnerships are clearer now),” sabi ni Ramirez. —Angelito Oredo