MATUTONG magpigil ng mga sarili. Kontrolin ang emosyon at galit na nararamdaman! Iyan ang mga paalalang paulit-ulit na sinasabi ng mga matatanda nang nagbabarko, opisyal man o hindi.
Kung gusto ‘anya nilang umuwi ng buhay sa pamilya, pipigilan nila ang sariling magalit at magagawa nila ang mga bagay na pagsisisihan nila sa bandang huli.
Mabuti ‘anya kung may panahon pa para pagsisihan. Paano kung iyon ang magiging dahilan ng kaniyang kasawian?
Katulad na lamang ng kaguluhang nangyari sa pagitan ng mga marinong Pinoy at Indonesian. Ayon sa report, nagkaroon ng alitan ang mga ito at nagkampi-kampi na sila. Tatlong Pinoy kontra anim na Indonesian.
Nagkagulo sila, naghabulan bitbit ang mga bakal at kahoy na pang-hampas hanggang sa tumalon na sila sa karagatan. Doon na sila inabutan ng mga awtoridad.
Patay na nang nadala sa hospital ng Taiwan ang isang Pinoy at sugatan naman ang dalawa pa nitong kasamahan.
Gayong nasa kustodiya na ng pulisya ang nakabanggaan nilang mga Indonesian na nagtamo naman ng mga pasa’ at sugat sa katawan, tinatayang aabot naman sa 200,000 Taiwanese dollars o mahigit sa 300,000 piso ang multang ipapataw sa kanila ng principal ng barko dahil sa mga nasira ng mga ito.
Sa Seafarer’s Hour ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer, ayon kay Atty. Dennis Gorecho maaaring sa Taiwan dinggin ang kaso, kung saan naganap ang krimen, o di kaya kung ano at saang flag state naman ang kanilang barkong kinalululanan.
Pagdating naman sa usapin ng mga claims o benepisyo, ayon kay Gorecho, may dalawang probisyon lamang ‘anya ang covered ng insurance ng mga marino.
Yaon ay kung may kontrata ang seafarer na prinoseso ng POEA na siyang tumatayong lehitimong dokumento sa kanilang pagsampa ng barko at pangalawa, dapat work related ang sanhi ng kamatayan.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya ng Taiwan na siyang ipadadala naman sa principal ng barko, sa kanilang manning agency at insurance company.
Maaaring ilaban din kasi ng insurance ng kumpanya na hindi naman work related kung bakit namatay ang marino. Ang balita pa namin mga fishermen ‘anya ang mga ito at kadalasan ay walang legal na mga kontrata.
Kung natuto lang sanang magpigil sa sarili ang mga marinong ito!Sabi pa nga ng isang kapitan ng barko, walang problema kahit tawagin pang mahina o lalampa-lampa ang isang seafarer, sa halip na isang marinong macho na palaging palaban.
Sa bandang huli, kapag nasabak sa gulo, siya rin ang talo, lalo pa’t magiging sanhi ito ng kaniyang kamatayan. Talo pati na ang pamilyang walang ibang inaasahan kundi siya lamang.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com