X-rating sa ‘Ang Guro Kong ‘Di Marunong Magbasa’ binawi ng MTRCB

MON CONFIADO AT ALFRED VARGAS

MATAPOS makakuha ng “X” rating sa MTRCB, masayang ibinalita ni direk Perry Escaño sa entertainment media na nabago na ang rating ng pelikula nilang “Ang Guro Kong ‘Di Marunong Magbasa” sa ikalawang review ng board.

Mula sa X-rating, naging PG-13 na ang classification ng kontrobersyal na pelikula kaya mas marami na ang pwedeng makapanood nito simula sa Dec. 6 sa mga sinehan nationwide.

Bida sa “Ang Guro Kong ‘Di Marunong Magbasa” under MPJ Entertainment sina Alfred Vargas, Mon Confiado, Migs Cuaderno, Micko Laurente, Marc Justine Alvarez, Kiko Matos, Lauren Burgos, Lou Veloso, James Blanco, Alvin Barcelona, Garie Concepcion, Paul Sy at marami pang iba.

Pero nilinaw ni direk Perry na kahit naging PG-13 ang kanilang pelikula ay hindi naman naputol ang mahahalagang detalye sa kuwento nito. Aniya, pinag-aralan nilang mabuti ang guidelines ng MTRCB bago muling in-edit ang pelikula, “May mga eksena lang na iniklian, like yung torture scene at pakikipaglaban ng batang mandirigma. Pero buong-buo pa rin ang kuwento at mensahe ng pelikula.”

“Ayokong tanggalin ang torture scene dahil ayokong ipagkait sa moviegoers ang eksenang ‘yun at isa ‘yun sa mga eksenang pinapalakpakan ng mga estudyante sa mga campus na pinaglabasan ng pelikula,” ani Direk Perry.

Inamin naman ni Cong. Alfred Vargas na nalungkot at nagtaka siya kung bakit nabigyan ng X-rating ang kanilang proyekto, “Kasi kahit ‘yung mga pelikula ko dati sa Seiko Films, hindi naman nabibigyan X, hanggang R-16 lang. Mabigat sa damdamin dahil talagang pinaghirapan namin ito. Lahat nagsakripisyo, masaya na kami ngayon. In-address ni Direk Perry ang problema at sa PG-13 classification, pati kabataan makakapanood,” sabi ng kongresista.

Magsisilbi rin itong comeback movie ni Alfred makalipas ang apat na taon, “I’ve decided to concentrate on public service but when I read the script, hindi ko na siya binitiwan. I immediately agreed to do it because it’s actually hitting two birds with one stone. Makakabalik ako sa pag-arte tapos may adbokasiya pa para sa isinusulong natin sa edukasyon.”

In fairness, marami nang block screenings ang naka-schedule para sa “Ang Guro Kong ‘Di Marunong”, isa na riyan ang magaganap sa Fairview Terraces sa opening day (Dec. 6) para sa constituents ni Alfred, “Oo manonood silang lahat, sa ayaw nila at sa gusto, panonoorin nila ang pelikula!”

Samantala, proud na proud naman ang magaling na child actor na si Migs Cuaderno sa kanilang pelikula kung saan gumaganap nga siya bilang isang batang mandirigma. Nu’ng una raw ay takot na takot siyang humawak ng baril, “Sobrang kabado po nu’ng simula pero sinabihan po ako ni mama na hindi lahat ng bata ay nabibigyan ng chance na humawak at makapagpaputok ng baril, na-motivate na po ako, na-enjoy ko na po.”

Naipalabas na rin ang pelikula sa mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, ito’y para na rin daw mamulat ang mga kabataan sa tunay na nangyayari sa kanilang kapaligiran, lalo na sa mga batang napapasabak agad sa madugo at bayolenteng labanan.

Read more...