TV host-actress grabeng magmura, nuknukan ng nega

PARANG nakakakita ng multo ang mga manggagawa ng pelikulang Pilipino kapag naririnig nila ang pangalan ng isang pamoso at magaling na female personality.

Magaling siya sa drama, mahusay rin siyang magpatawa at kaya rin niyang mag-host, para siyang karihan na bukas nang beinte kuwatro oras para sa kahit anong trabaho.

Pero kapag ugali na ang pinag-usapan ay zero ang marka sa kanya ng mga dati niyang nakatrabaho, ayaw na nilang makasama uli ang babaeng personalidad, isa siyang bangungot para sa tropa.

Kuwento ng isang source, “Lahat ng pinakamalulutong na pagmumura, sa kanya ko narinig. Ibang klase siyang magmura, dalawa-singko lang, para lang siyang kumakain ng kornik kapag nagagalit siya!

“Basta meron siyang hinahanap na hindi niya makita, parang kampana na ang bibig niya sa kapapakawala ng mura! Wala siyang pinipiling oras, kesehodang hatinggabi na, kahit pa tulog na ang lahat sa linya ng trabaho niya, magsisisigaw pa rin siya!

“Reyna siya ng kanegahan, hindi siya marunong makisama, napakaliit ng tingin niya sa mga katrabaho niya, siya na talaga!” simulang kuwento ng aming source.

Kahit sa isang TV show na siya ang bumibida ay panay-panay ang kuda laban sa kanya ng mga nandu’n. Masungit, maarte at maldita ang tingin sa kanya ng lahat.

“Akala mo nakakatuwa siyang panoorin, di ba? Kasi nga, e, magaling siyang umarte. Pero kapag wala na siya sa harap ng mga camera, masarap nang silihan ang bibig niyang puro pagmumura ang laman!

“Kaya kapag rumorolyo na ang mga camera para sa TV show na siya ang host, e, natatahimik ang paligid, hindi siya puwedeng magmura sa ere, bawal ‘yun, matatangal ang programa niya.

“Ano ba ang nararapat sa babaeng ito na bubuwanin ang ugali sa kahitaran at kamalditahan? Ang itali sa malanggam na puno o ang ihulog siya sa imburnal? In English, septic tank,” pagtatapos ng aming impormante.

Ano ba, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kailangan n’yo pa ba ng clue?

Read more...