Dead on arrival sa ospital sina Eliza Badayos at Eleuterio Moises, habang sugatan si CJ Matarlo, sabi ni Supt. Reymar Tolentin, tagapagsalita ng Central Visayas regional police.
Si Badayos ay miyembro ng Karapatan-Central Visayas habang si Elioterio Moises ay barangay tanod at kasapi ng isang grupo ng magsasaka, sabi ni Cristina Palabay, secretary-general ng Karapatan, sa isang kalatas.
Di pinangalanan ni Palabay ang sugatan, pero sinabing ito’y isang 23-anyos na miyembro ng Kabataan party-list.
Naganap ang pamamaril sa Sitio San Ramon, Brgy. Poblacion, dakong alas-3:40 ng hapon.
Sakay noon sina Badayos, Moises, at Matarlo ng habal-habal patungong Brgy. Nangka, sabi ni Tolentin, gamit bilang basehan ang ulat ng Negros Oriental police.
Nang marating nila ang Sitio San Ramon, inunahan ng mga taong lulan ng dalawang motorsiklo ang habal-habal at pinagbabaril ang mga sakay nito, aniya.
Nagtungo sa Bayawan si Badayos at iba pang miyembro ng isang fact-finding team upang imbestigahan ang mga diumano’y paglabag sa karapatang pantao na nagaganap doon sa gitna ng pinaigting na operasyon ng militar, ani Palabay.
Hinarang at hinarass sila ng mga armado alas-11 ng umaga, at nang patungo sana sa istasyon ng pulisya upang iulat ang insidente’y saka naman pinagbabaril, aniya.
Dinala na ang sugatang miyembro ng Kabataan party-list sa isang pagamutan sa Dumaguete City para malunsan ang tinamong tama ng bala sa balikat, ayon kay Palabay.
MOST READ
LATEST STORIES