11 kelot arestado sa sex, drug party

LABING-isang lalaki ang nadakip nang makuhanan at mahuling gumagamit ng iba’t-ibang uri ng iligal na droga sa isang hotel sa Taguig City, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Lunes ng gabi.

Kabilang sa mga nadakip sina Edmond Remegio at Malik Coronel, kapwa 33-anyos at mga umano’y nagbebenta ng iligal na droga, ani PDEA chief Aaron Aquino.

Dinampot din sina Manuel Valdes, 34, insurance agent; Jake Tolentino, 33, insurance claims processor; Jose Carlo Torres, 38, engineer; Mario Aclan, 27, make-up artist; Angelo Padasas, 28, office staff; Jevel Ucero, 22, estudyante; Carlo Kasala, 25, physician; Legui Brylle Gonzales, 28, account manager; at Bryan Dizon, 20, software developer.

Naaktuhan ang mga suspek, na pawang walang saplot sa katawan, na gumagamit ng iligal na droga nang isagawa ang operasyon laban kina Remigio at Coronel, ani Aquino.

Isinagawa ng mga tauhan ng PDEA Special Enforcement Service ang entrapment operation alas-10 ng umaga Linggo sa Room 609 ng Seda Hotel, na nasa Bonifacio Global City.

Nasamsam sa operasyon ang 20 tableta ng ecstasy, dalawang sachet ng shabu, 12 botelya ng gamma butyrolactone (GBL), at isang boteng may lamang mga puting capsule.

Tinatayang nasa P340,500 ang halaga ng mga nakumpiskang iligal na droga.

Ayon kay Aquino, ang GBL ay isang uri ng droga na karaniwang ginagamit ng kabataan sa mga bar, club, at rave party.

Madalas itong ihalo sa mga nakalalasing na inumin, at nagdudulot ng euphoria, mas malakas na sex drive, o di kaya ay nagpapakalma, aniya.

Pawang mga nasa kostudiya ng PDEA ang mga nadakip at sasampahan ng paglabag sa iba-ibang seksyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Law.

Read more...