2 aktor naubos ang pera dahil sa gastadorang young actress


ISANG dating aktor na nagnenegosyo na lang ngayon ang napagtripang pagkuwentuhan sa isang umpukan nu’ng isang gabi. Produkto ng isang reality show ang male personality pero hindi gaanong umangat ang kanyang pangalan.

Nangarap siya at nagsikap pero mukhang hindi pa niya panahon, kaya nang mainip, nagnegosyo na lang siya sa tulong ng kanyang pamilya na kilala sa linya ng pagbi-business sa kanilang lugar.

Pero may bitbit na kuwento ang male personality sa pagpapaalam sa showbiz. Naging super-close kasi sila nu’n ng isang young female personality na bumibida sa mga teleserye sa isang malaking network.

Kuwento ng aming source, “‘Yun ang unang guy na makapagpapatotoo kung gaano kahusay manggamit ang babaeng ‘yun! User talaga siya, hindi siya nakikipag-close sa lalaki nang wala siyang ginaganansiya.

“Kailangang may mapala siya, dapat siyang mapremyuhan sa pakikipag-close niya sa guy, shopping kung shopping ang kapalit nu’n. Kung makapag-shopping kuno ang girl, e, parang siya ang magbabayad ng mga pinipili niyang stuff.

“At hindi lang isang piraso ang kinukuha niya kapag nataypan niya ang isang kagamitan, lahat ng kulay, kaya naloloka sa kanya ang nakatokang magbayad ng mga pinagkukuha niyang stuff.

“Ilang buwan lang silang tumagal dahil ang lalaki na ang umiwas sa kanya. Naubos kasi ang savings ng lalaki, nakapanghihingi pa siya ng datung sa parents niya, matindi kung manghipat ang girl!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Isang guwapong hunk actor naman ang sumunod niyang naging ka-close. Ganu’n din ang drama ng babae, shopping kung shopping din ang palaging lambing niya, wasak din agad ang bulsa ng hunk actor.

“Magaling siyang maglambing, kayang-kaya niyang paikutin ang guy, ginagawa niya ‘yun kapag gusto niyang mag-shopping. Nu’ng magkita nga sa isang party ang dalawang ex niya, e, nag-apiran na lang ang dalawa.

“Wala nang paliwanagan, basta naghalakhakan na lang sila nang naghalakhakan, dahil pareho silang napaikot ng babaeng kepayat-payat pero matindi ang galing sa panglalambutsing.

“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, isa lang ang clue, may K sa kanyang name,” pagtatapos ng aming source.

Read more...