NAUWI ng Gilas Pilipinas ang ikalawang panalo sa FIBA World Cup 2019 Asian Qualifiers matapos talunin ang Chinese-Taipei, 90-83, Lunes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Naging mahigpit ang labanan ng Pilipinas at Chinese-Taipei sa halos kabuuan ng laro bago nagawang kumalas ng mga Pinoy cagers sa huling anim na minuto ng laban para maitakas ang panalo.
Maagang napag-iwanan ang Gilas Pilipinas sa 14 puntos sa kaagahan ng laro, 3-17, bago nagawang makalapit sa 18-23 sa pagtatapos ng unang yugto.
Nagawang rumatsada ng mga Pinoy cagers sa ikalawang yugto para agawin ang kalamangan sa 28-27 mula sa layup ni Kiefer Ravena bago isara ang first half na hawak ang 44-42 bentahe mula sa dalawang free throws ni Andray Blatche.
Nakalayo naman ang Gilas ng pitong puntos, 58-51, may 3:51 sa ikatlong yugto bago idinikit ng Chinese Taipei ang iskor sa 65-64 papasok sa ikaapat na yugto.
Pinamunuan ni Jason Castro ang Gilas sa itinalang 20 puntos.
Nanguna naman para sa Chinese-Taipei si Quincy Davis III na gumawa ng 20 puntos.
Makakaharap naman ng Pilipinas sa susunod nitong laro sa World Cup qualifying tournament ang Australia sa Pebrero 22, 2018.