Testigo inginuso ang bayaw ni Aquino sa DPWH right-of-way scam

INGINUSO ng isang testigo ng gobyerno ang bayaw ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa P8.7-billion right-of-way scam sa Mindanao.
Sa isang press conference, sinabi ng testigong si Roberto Catapang Jr. na itinuturo ng mga sindikato na sangkot sa scam ang pangalan ng negosyanteng si Eldon Cruz na siya umanong nag-endorso sa right-of-way claims.
“Actually, talk of town ito sa DPWH [Department of Public Works and Highways],” sabi ni Catapang. “Alam yan ng central office. Tiga Manila, kapamilya ng opisyal.”

“Ipakita mo yung document,” sabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kay Catapang.
Isinailalim si Catapang sa Witness Protection Program (WPP) ng gobyerno.
Ipinakita ni Catapang ang sulat na umano’y pnirmahan ni Cruz na humihiling sa DPWH na iendorso sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng pondo para sa right-of-way claims.
“Ginagamit kasi ang pangalan nya. Parati yan, parati nagagamit ang pangalan ni ano, sorry sir, si Eldon Cruz. According sa kanila signature ito ni Eldon Cruz,” sabi ni Catapang.
Idinagdag ni Catapang na nagsimula ang right-of-way claim gamit ang mga pekeng titulo noong 2009, kung saan sakop ang buong Region 12 o Soccsksargen Region, kabilang na ang Cotabato, Sarangani, South Cotabato, and Sultan Kudarat – at limang lungsod Cotabato City, General Santos, Kidapawan, Koronadal, Tacurong.
Sinabi ni Catapang na huminto ang mga claim sa ibang lugar, maliban sa General Santos City.
Ayon pa kay Catapang, tinatayang 300 pekeng claims ang prinoseso at ipinalabas, kung saan ang P500 milyon ang pinakamalaki o kabuuang P8.7 bilyon.

 

Read more...