Pag-aresto kay Sereno nakaumang

   Muling iginiit ng lider ng Kamara de Representantes na may kapangyarihan ito na ipaaresto si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung hindi ito sisipot sa pagdinig ng kanyang impeachment complaint.
     Ayon kay House committee on Justice chairman Reynaldo Umali maaaring magpalabas ng warrant of arrest ang komite kung kakailanganin para mapilitang dumalo sa pagdinig si Sereno.
     “Siyempre ‘pag subpoena coercive power ‘yan at ‘pag hindi po sinunod ay maoobliga tayong mag-issue ng warrant,” ani Umali.
       Naniniwala si Umali na para rin kay Sereno ang gagawin nitong pagdalo para maipagtanggol ang kanyang sarili.
     “Mayroon kaming poder para gamitin ‘yung coercive power ng committee under the Constitution. So this is a constitutional power to pursue a constitutional mandate. Iyung separation of powers as co-equal branch may not be invoked in this particular instance,” dagdag pa ni Umali. “Kapag mayroon talagang mga bagay na dapat siyang (Sereno) testiguhan marahil ay mag-i-issue ang komite ng subpoena.”
      Sinabi ni Umali na maaaring aprubahan ni Speaker Pantaleon Alvarez dahil constitutional mandate umano ang kanilang ginagampanan.
     “Ang warrant ay hindi kinakailangang aprubahan ng ating Speaker,” dagdag pa ng solon.
      Inamin din ni Umali na bibilisan nila ang pagdinig dahil 60 session days lamang ang ibinigay sa kanila ng Konstitusyon para tapusin ang reklamo.
      Inimbitahan ng komite sa sesyon bukas sina Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo de Castro, SC Court Administrator Atty. Midas Marquez, SC Clerk of Court Atty. Felipa
Anama, at Manila Times reporter Jomar Canlas.

Read more...