NANAWAGAN si Sen. Grace Poe na sertipikahan bilang urgent ang panukalang pagbibigay ng emergency power kay Pangulong Duterte para masolusyunan ang trapikl sa bansa.
“Siguradong gagalaw ang emergency powers kung gagawin ng Malacañang na prayoridad ito at sesertipikahan para rin makatulong sa mabilis na pagpapatupad ng mga proyektong magpapaginhawa sa trapik,” sabi ni Poe, na siyang chairperson ng Senate committee on public services.
Idinagdag ni Poe na mapipilitan ang Kamara at Senado na madaliin ang pagpasa ng Senate Bill No. 1284 o An Act Compelling the Government to Address the Transportation and Congestion Crisis Through the Grant of Emergency Powers to the President.
“Yung tax proposal, ‘yun ang priority, mahabang debate iyan. ‘Pag ‘yun ang nakasalang at hindi naman prayoridad ang emergency powers, depende talaga yan kung maisisingit pa. Kaya mahalagang masertipika na ang emergency powers,” dagdag ni Poe.
Ayon pa kay Poe, may nalalabing siyam na sesyon na lamang ang Kongreso bago ito muling mag-break para sa pagdiriwang ng Pasko.