DREAM come true para kina Megastar Sharon Cuneta at Robin Padilla ang muling magkasama sa pelikula at makatrabaho ang box-office director na si Cathy Garcia Molina.
Ang tinutukoy namin ay ang bagong handog ng Star Cinema, ang kakaibang romcom with a big twist na “Unexpectedly Yours” kung saan makakasama rin ang bonggang loveteam nina Julia Barretto at Joshua Garcia.
In fairness, trailer pa lang ng “Unexpectedly Yours” ay bentang-benta na sa madlang pipol, lalo na ang mga nakakaloka at nakakatawang eksena nina Mega at Binoe at ang palitan nila ng hugot at punchlines.
Kahapon sa grand mediacon ng pelikula, sinabi ni Sharon na kasama na sa Top 5 favorite movies niya ang “Unexpectedly Yours” dahil sa sobrang ganda at quality nito. Sa katunayan, mas lalo siyang humanga at mas tumaas ang respeto niya kay direk Cathy bilang direktor. “Yung trailer na napapanood n’yo wala pa yun, you have to see the whole movie at proud na proud kaming lahat sa kinalabasan ng movie,” pagmamalaki ni Mega.
Sa mga nagtatanong, ang reunion film nina Robin at Sharon ay hindi ang proyektong pagsasamahan sana nina Gabby at Mega. Kuwento ni Robin, kinailangan daw siya ni Shawie kaya umoo siya agad sa Star Cinema nang i-offer. Hindi naman daw siya nagsisi na tinanggap niya ang proyekto dahil napakaganda nga ng natapos nilang proyekto.
Bukod dito, inamin ni Binoe na hindi siya papayag sa isang bonggang request ni direk Cathy kung hindi siya naniniwala sa pelikula, “Kasi talagang pinag-initan nila ang buhok at bigote ko. Inahitan nila ‘ko. E, alam naman ng lahat, yun ay simbolo ng aking pagiging rebolusyonaryo. Kaya nahirapan din akong magdesisyon. Pero nakumbinse rin nila ako, napilit ako nina direk.”
Showing na ang “Unexpectedly Yours” sa Nov. 29 sa mga sinehan nationwide.
Samantala, isang malaking rebelasyon naman ang pambubuking ni Mega sa tunay na estado ng relasyon nina Joshua at Julia. Buong ningning nitong inihayag during the presscon na totoong boyfriend na ni Julia si Joshua. “Baba” raw ang term of endearment ng dalawa at inggit na inggit daw siya kapag sweet na sweet sa isa’t isa ang magkarelasyon.
“Umamin na tayo, Diyos ko naman! Alangan naman nakikipag-holding hands sa hindi mo kaano-ano… Ayaw ko naman iyong parang nakikipaglambingan ka sa hindi mo kaano-ano. Mabuti na iyong alam na nilang boyfriend mo ‘yan, at mahal na mahal niyo isa’t isa,” ani Mega. Si Julia ang gumaganap na anak ni Sharon sa “Unexpectedly Yours” habang pamangkin naman ni Binoe si Joshua.