MATAPOS ang heroics sa do-or-die semifinals match laban sa Far Eastern University nitong Miyerkules, muling binuhat ni Isaac Go ang Ateneo de Manila Univeristy laban sa karibal na De La Salle Univeristy upang ibulsa ang mahalagang 76-70 panalo sa Game 1 ng UAAP Season 80 men’s basketball finals Sabado ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kinumpleto ni Go ang krusyal na three-point play may 10.4 segundo pang nalalabi sa laro na nagbigay sa Blue Eagles ng 75-70 bentahe.
Sinubukan pang makalapit ng Green Archers sa huling pitong segundo ngunit kapos ang tres ni Aljun Melecio na nagbigay daan upang tuluyang itakas ng Blue Eagles ang tagumpay.
Umiskor si Thirdy Ravena ng 12 puntos upang pangunahan ang tatlo pang Blue Eagles na may double digits. Kapwa nagtala ng 11 puntos ang magkapatid na Matt at Mike Nieto habang nagdagdag ng 10 puntos si Anton Asistio.
May game-high 24 points naman si Melecio para sa Green Archers at naglagak ng 10 puntos si Ricci Rivero subalit mas naging matatag ang Blue Eagles hanggang sa dulo ng laban na sinaksihan ng 15,114 manonood.
Nalimitahan ng Ateneo si Ben Mbala sa career-low na walong puntos mula sa maalat na 3/7 shooting. Ito rin ang unang pagkakataon para sa Cameroonian na hindi makapagrehistro ng double figures sa kanyang UAAP career.
Gagawin ang Game 2 sa Miyerkules, Nobyembre 23 sa Smart Araneta Coliseum kung saan tatangkain ng Ateneo ang series sweep para agawin ang korona sa defending champions habang pipilitin ng La Salle na makapuwersa ng winner-take-all Game 3.