BIBIGYAN namin ng panahon mamayang gabi ang kakaibang pagganap ng Pambansang Bae sa Magpakailanman. Sa teaser pa lang ng kuwento na umiikot sa buhay ng isang magiting na sundalo ay nagyayaya nang manood ang programa.
Maaasahan sa pag-arte si Alden Richards. Kahit nu’ng wala pa ang tambalan nila ni Maine Mendoza ay angat na ang kanyang pag-arte. Nasubaybayan namin nu’n ang aktor sa seryeng Alakdana.
Tama ang ginagawa ni Alden, bukod sa pagkanta kung saan siya nagtatagumpay ngayon ay hindi niya dapat pabayaan ang pag-arte, lalo na kung maganda ang materyal na gagampanan niya.
Malaking hamon para sa kanya ang pagganap bilang isang sundalong nakipaglaban sa giyera sa Marawi, hindi lahat ng mga artista ay nabibigyan ng ganu’n kagandang pagkakataon, at kayang-kaya namang itawid ni Alden Richards ang papel na ipinagkatiwala sa kanya.
Sabi ni Bong Gacho, ang production designer ng Magpakailanman na regular naming tagapakinig sa “Cristy Ferminute”, “Nay, huwag na huwag mong palalampasin ang portrayal ni Alden sa Magpakailanman. Alam kong mahal mo siya at sinusuportahan, pero mas mamahalin mo pa siya this time.”