Gilas Pilipinas mapapalaban sa Japan

MAPAPALABAN ngayong gabi ang Gilas Pilipinas kontra Japan sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Tokyo, Japan.

Makakasagupa ng Gilas ang Japan alas-6 ng gabi (Philippine time) sa laro na gaganapin sa Komazawa Olympic Park Gymnasium.

Inaasahan na babawian ng Japan ang Pilipinas matapos na matalo sa mga Pinoy cager sa kanilang huling limang paghaharap kabilang ang battle for third place sa 2015 FIBA Asia Cup.

Inanunsyo naman ni head coach Vincent ‘Chot’ Reyes ang final 12 roster ng national team na isasabak kontra Japan kahapon.

Ang 12-man Gilas lineup ay binubuo nina Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Kevin Alas, Jayson Castro, June Mar Fajardo, Allein Maliksi, Gabe Norwood, Roger Pogoy, Kiefer Ravena, Troy Rosario, Matthew Wright at naturalized player Andray Blatche.

Hindi naman nakasama sa listahan ng final 12 kontra Japan sina Mac Belo, Carl Bryan Cruz at Raymond Almazan bagamat sinabi ni Reyes na puwedeng mabago ang roster ng koponan sa mga susunod nitong laro sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.

“Basically, we took into account the team that we are playing (today),” sabi ni Reyes. “And we also took into account our health and injury situation.”

Base sa bagong home-and-away format ng FIBA World Cup qualifiers, ang mga national team ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang pool kada qualifying window at magkakaibang lineup kada laro. Kaya nangangahulugan ito na maaaring magpalit si Reyes ng mga manlalaro sa kanilang 12-man roster sa mga susunod nitong laro.

Ang Japan, na hinahawakan ng dating head coach ng Argentina na si Julio Lamas, ay pangungunahan nina naturalized player at dating PBA import na si Ira Brown, Yuki Togashi, Daiki Tanaka, Takatoshi Furukawa at Joji Takeuchi.

Inaasahan namang makakasama sa final 12 ng Akatsuki Five sina Yudai Baba, Makoto Hiejima, Naoto Tsuji, Kosuke Takeuchi at Atsuya Ota.

Matapos ang laban sa Japan, magbabalik ang Gilas sa Maynila para sagupain ang Chinese Taipei sa Lunes sa laro na gaganapin alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Tutungo naman ang Japan sa Adelaide para sagupain ang Australia sa Lunes.

Read more...