Pagbitiw ni Cesar Chavez ikinalito ng politiko

KAHAPON ay nagulat ang buong bansa, nang walang kamukat-mukat ay biglang nag-resign sa pwesto si Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez.

Ito ay sa gitna ng kanyang masidhing kampanya para ayusin ang operasyon ng problemadong MRT3 at papanagutin ang mga taong naging dahilan para mapabayaan ang linya ng transportasyon na ito.

Ayon kay Chavez, nagbitiw siya sa posisyon dahil kailangang may managot sa mga negatibong insidente na nagaganap sa MRT3 habang siya ang namumuno sa sangay na ito ng DOTr.

Para kay Chavez, dahil siya ang pinuno, nasa mandato niya ang ayusin ang mga aberyang ito at kung hindi niya ito agad magawa, dapat lamang na siya ay magbitiw. Kailangan may managot at pinili niyang siya na lamang ang mananagot dito.

Mabilis ang reaksiyon ng mga “politically bent” na personalidad sa naging aksiyon ni Chavez.

Si Renato Reyes ng Bayan ay agad nag-akusa na may pressure mula sa mga vested interest groups sa loob ng DOTr na nasa likod ng pagbibitiw ni Chavez. Maging si Senadora Grace Poe ay ganito rin ang naging reakisyon.

Madami pang ibang sapantaha sa naging aksiyon ni Chavez mula sa kung saan-saang political affiliations.

Pero kung susumahin mo ang mga naging pahayag nila, iisa ang direksiyon nito, may nagpaalis kay Chavez dahil hindi nila gusto ang ginagawa nitong paglilinis sa sangay ng DOTr na humaharap sa mga railways sa bansa.

Hindi ba puwedeng may delikadesa lang talaga si Cesar Chavez? Hindi ba puwedeng, tulad ng isang public servant sa Japan, handa si Chavez na ilatag ang pangalan sa ilalim ng talim ng kasaysayan masimulan lang ang tamang pag-uugali sa ating pamahalaan.

Pag-uugali na matagal nang sinaniban ng ka-ipokritohan at pananamantala. Ugaling kapit-tuko sa puwesto kahit kitang-kita naman na palpak at walang kuwenta sila sa trabahong ayaw nilang bitawan?

Nakakalito nga sa mga politikong tulad nila Reyes at Poe at marami pang iba, kapag may isang may delikadesa ang ipinakita sa kanila ang tamang gawi.

Para sa utak ng mga trapong ito, hindi puwede na kapakanan ng bansa ang dahilan kaya nagbitiw si Chavez. ng pagbitiw ni Chavez. Kailangan laging sariling interes ang mangibabaw at ito lagi ang dahilan.

Ganito kasi sila kaya ganito nila tingnan ang iba.

Ayon nga sa isang passage sa Bible, “But the things that come out of the mouth come from the heart…and these things defile a man.”

 

***

Auto Trivia: Tatlong sitwasyon lang maaaring hatakin ng MMDA Tow Trucks ang ating sasakyan ayon sa batas. Ito ay 1.) tumirik ang sasakyan natin; 2.) illegaly parked ang sasakyan natin; at 3.) nasangkot sa aksidente ang kotse natin.

Para sa mga komento o suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

 

 

Read more...