Roque sumakay ng MRT-3 at LRT-1, mga netizen hindi natuwa

SUMAKAY si Presidential Spokesperson  Harry Roque ng Metro Rail Transit 3 (MRT3) at Light Rail Transit 1 (LRT1), bagamat hindi naman ito nagustuhan ng mga netizen.

Pasado alas-9 ng umaga nang pumila si Roque sa MRT-3 mula North Ave. station papuntang Taft Ave. station. Mula Taft Ave. station, sumakay si Roque ng LRT-1 papuntang Central station.

Ipinagtanggol naman niya ang kanyang pagsakay sa MRT-3 sa pagsasabing dati na niya itong ginagawa.

“Dati na kong nag-ee-MRT, pero ngayon importante na maiparating sa publiko na nakikinig ang gobyerno,” sabi ni Roque.

Idinagdag ni Roque na nananatiling ligtas pa rin ang pagsakay sa MRT3 sa kabila ng mga aberyang nararanasan.

“Hindi naman po iooperate ng gobyerno ang MRT kung ito po ay banta sa taongbayan. May safety assessment na isinasagawa si (Transportation) Secretary (Arthur) Tugade. Hindi-hindi po natin isusugal ang safety ng ating mga mananakay,” ayon pa kay Roque.

Kasabay nito, sinabi ni Roque na hindi pabor ang gobyerno sa mga panawagan na i-shutdown ang MRT3 sa pagsasabing napakaraming mga pasahero ang maaapektuhan ng tigil operasyon.

“Ang salita ni Presidente diyan lalong maaaberya ang publiko sa shutdown so ang ini-explore, ito na nga, gobyerno na ang nagmi-maintain at may posibilidad na gamitin ang emergency procument sa ating procurement law,” ayon pa kay Roque.

Hindi naman natuwa ang mga netizen sa pagsakay ni Roque sa MRT3 at LRT1.

“Malamang di masisira yan at walang pila yan, VIP eh,” sabi ni Herwin Gatdula.

“Style mo bulok. Early campaign?” ayon naman kay Andy Bautista.

“Sana rush hour ka sumakay,” komento naman ni Kurt Pendos Rodriguez.

May mga positibo namang nagkomento kay Roque.

“Waaaooow keep it up,” sabi ni Lyra Guban.

Read more...