SWEET tooth. Ganu’n kung tawagin ng kanyang mga nakakatrabahong artista ang isang female personality na walang inuurungan ang dila pagdating sa pagkain.
Wala siyang kaartehan sa lafang, kahit ano ay kinakain niya, madali siyang pasayahin at marunong siyang magpahalaga.
Palaging napapansin ng kanyang mga kapwa artista na kahit ano lang ang pagkain sa set ay okey lang sa kanya. Kung ang ibang artista ay nagpapabili pa ng food sa labas kapag hindi nila type ang pagkain ng catering ay wala namang problema ang produksiyon sa female personality na walang kaselan-selan sa lafang.
Kuwento ng aming source, “’Yung ganu’ng artista ang masarap katrabaho, walang kaarte-arte, hindi palahanap ng kung anu-ano. Basta, kung ano ang nandu’n, kain lang siya nang kain!
“Kung may kaartehan ang ibang personalities, siya naman, basta magkaroon lang ng laman ang tiyan niya, e, okey na,” magandang kuwento ng aming impormante.
May pinanggagalingan pala ang kuwentong ‘yun. Nu’n palang bata pa ang female personality ay lumaki siyang nakikikain lang sa bahay ng kanyang mga kaibigan at kaklase.
“Palagi siyang naiiwan sa bahay nila na walang kasama, kaya kapag nagugutom siya, e, wala siyang ibang napupuntahan, kundi ang house ng mga friends at classmates niya.
“Kulang sa alaga ang parents niya, puro trabaho lang ang inaatupag, ni hindi man lang nila naiisip ang anak nilang mag-isang naiiwan sa bahay nila.
“Mabuti nga at hindi siya nagrebelde, maraming kabataan kasi ang kapag napababayaan ng parents nila, e, nakakaisip magbisyo. Pero ang girl na ito, nag-aral pa nga siyang mabuti hanggang sa sinuwerte siyang maging artista.
“Ngayon, puwede na siyang kumain ng kahit anong gusto niya, pero hindi pa rin siya maarte, kung ano ang nakahain, okey na okey na sa kanya.
“‘Yun ang reason kung bakit gustung-gusto siyang kunin sa mga shows sa malalayong lugar ng mga promoter, kung bakit din siya mabenta sa mga taping.
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, katunog ng name niya ang isang sangkap sa pagluluto na itinataktak para sumarap ang pagkain,” pagtatapos ng aming source.