Yeng Constantino itim na uli ang buhok: Di na kasi pwedeng magpakulay pag magbubuntis!


EXCITED na si Yeng Constantino sa nalalapit na “Nice To Meet You” concert na gaganapin sa Pilipinas sa Enero 17, sa Mall of Asia Arena. Bagong experience na naman kasi ito para sa kanya dahil pawang mga sikat na mang-aawit sa iba’t ibang panig ng Asia ang kanyang makakasama.

Sabi ni Yeng nang makausap namin sa launching ng Fil-Chi Star Concert sa Lucky China Town Promenade, kilala niya ang mga performer na kasali sa show, tulad nina G.E.M., Della Wu, Chief (Chao Chuan) at Da Zhuang.

“Sobrang sikat talaga sila sa kanilang mga bansa, promise, lalo na si G.E.M., pinapanood ko siya sa YouTtube, grabe, ang galing niya.

“Actually, second time na akong makasama sa ganitong show, pero sa China ginawa, ‘yung China Asean Friendship Concert ginawa last year, iba’t ibang nationalities ang kasama, may Cambodian, Thai, Singaporean, Chinese, marami kami. Kaya first time rito sa Philippines,” pahayag ng singer.

Ang awiting “Ikaw” ni Yeng ang naging dahilan kaya siya napasama sa “Nice To Meet You”, “Ginawan ko kasi ng Mandarin version ‘yung ‘Ikaw’, so feeling ko natuwa sila. ‘Yung boss ko sa Academy of Rock Singapore ang nag-transcribe, kasi Chinese siya. Kaya nagulat ako nu’ng ang daming nagkagusto, hindi ko ini-expect.”

Makakasama rin si Kim Chiu sa concert ngunit hindi ito nakadalo sa presscon dahil may taping daw para sa seryeng Ikaw Lang Ang Iibigin.

Ang mga kakantahin daw ni Yeng sa concert ay mga orihinal niyang komposisyon, “Lahat ng original songs ko like ‘Hawak Kamay’, ‘Ikaw’, solo-solo spot kami, walang duet. As of now, hindi ko pa alam kung live band, hindi ko pa nakita ang contract, pinapunta lang ako ngayon,” say ni Yeng.

q q q

Samantala, itim na uli ang buhok ni Yeng kaya nanibago kami sa itsura niya, nasanay na kasi kaming laging may kulay ang hair niya.

Aniya, “Hindi puwedeng magpakulay kapag magbubuntis, papasok sa katawan ‘yung chemicals. ‘Yung sinusuot ko sa Showtime na purple, nilalagay ko lang ‘yun (wig).”

Tatlong taon nang kasal na sina Yeng at Victor Asuncion kaya pina-plano na rin nilang magkaanak, “Nag-try lang this year, kalagitnaan kaso nagkakaroon ako bigla, so hopeful pa ako, lungkut-lungkutan lang,” ani Mrs. Asuncion.

Wala nga raw masyadong ganap ngayong 2017 si Yeng dahil nga nagsabi siya sa Cornerstone Talent Management na plano na nilang magkaanak ni Yan.

“Mas maluwag ngayon (ang schedule) kaya feeling ko nga, perfect time ngayon. Wala akong solong concert this year, feeling ko nga sinadya ‘yun ng management (Cornerstone) para makabuo kami.

“Busy lang ako sa album ko, one year in the making, patapos na. Ang hirap kasi ng schedule ng mga arranger at ako rin, kapag hindi nagtatagpo, mahirap gumawa ng isang kanta. Producer ko rin si Jonathan (Manalo), ang dami ng artists ngayon ng Star Music, so kailangan mong hanapin ang petsa kung kailan ka sasalang (recording).

“100% ako ang nagsulat ng mga kanta ko this time, mga eight songs lahat, ilo-launch ang first single ko this January, 2018, pero wala pang title. May sinabi akong title hindi ko alam kung ia-approve nila, gusto ko meet half way kami ng management,” saad pa ni Yeng.

Hindi the usual na tunog ni Yeng ang mga bago niyang compositions, “Iba-ibang sound kasi for the longest time, napako ako sa title na pop-rock music which is hindi naman masama. Ang mga sinulat ko ngayon ay tungkol sa mga taong nasa paligid, kaya hindi ito tungkol sa akin. Songs ng mga tao, wala talagang relate sa buhay ko.

“Kailangan ko ring mag-evolve as a songwriter, ako mismo sa sarili ko ay gusto ko ring ma-excite sa ginagawa ko. Hindi naman puwedeng ‘yun at ‘yun na lang (same genre),” paliwanag ng Pop Rock Princess.

Read more...