ISA sa hindi masyadong napagtutuunan ng pansin kapag bata pa ay ang mga mata.
Mahirap kasi para sa bata na malaman kung may problema ang kanyang paningin dahil hindi niya alam
kung ano ang normal o tamang paningin.
Mahalaga na mapangalagaan ang mga mata upang hindi ito manlabo at mauwi sa pagkabulag. May mga pagkain na makatutulong upang hindi lumabo ang inyong paningin.
Isda
Ang mga isda gaya ng salmon, tuna, sardinas at mackerel at iba pang cold-water fish ay mayaman sa omega-3 fatty acids na makatutulong upang hindi manuyo ang mata (dry eye syndrome).
Nakatutulong din ang omega-3 upang makaiwas sa macular degeneration at katarata.
Kung hindi ka kumakain ng isda ay maaari kang uminom ng fish oil supplements.
Makulay na prutas, gulay
Ang mga gulay gaya ng spinach at iba pang maberde na gulay ay mayaman sa lutein at zeaxanthin na nakatutulong u-pang makaiwas sa macular degeneration at katarata.
Ang mga makukulay na prutas at gulay gaya ng carrot, kamatis, bell pepper, kalabasa, at mais ay mayaman sa Vitamin A at C at may carotenoids— ang compound na nagbibigay ng kulay sa mga ito— ay nakababawas sa mga sakit na nakakaapekto sa mata.
Ang beta-carotene, isang uri ng Vitamin A na nagbibigay ng kulay orange sa prutas at gulay ay maganda sa retina ng mata. Nakatutulong din ito laban sa impeksyon sa mata.
Mayaman naman ang mga legumes gaya ng kidney beans, black-eyed peas at lentils sa bioflavonoids at zinc na nagbibigay ng proteksyon sa retina.
Itlog
Kasama sa makukuhang bitamina sa itlog ay lutein at vitamin A na nakatutulong upang makaiwas sa night blindness at panunuyo ng mata.
Ang egg yolk ay mayroon ding zeaxanthin na nakatutulong naman upang maiwasan ang macular degeneration.
Mayroon din itong zinc na nakatutulong sa mata upang makakita kapag gabi o madilim.
Whole grains
Ang pagkain ng low glycemic index food ay nakatutulong upang makaiwas sa macular degeneration na dala ng pagtanda.
Makukuha ito sa quinoa, brown rice, whole oats at tinapay at pasta na gawa sa whole-wheat.
Mayaman din ang whole grain sa vitamin E, zinc at niacin na maganda sa mata.
Citrus at Berries
Ang orange, grapefruits, lemons at mga berries ay mayaman sa vitamin C na makatutulong upang makaiwas sa katarata at macular degeneration.
Nuts
Ang pistachios, walnuts, almonds at mga katulad nito ay mayaman sa omega-3 fatty acids at vitamin E na maganda sa mata.
Ang almonds ay mayaman sa vitamin E na nakapagpapabagal sa macular degeneration. Ang isang ounce ng almonds ay kalahati ng kailangang vitamin ng katawan sa isang araw.
Sunflower seeds
Ang sunflower seed ay magandang source ng vitamin E at zinc na maganda sa kalusugan ng mata.
Dairy
Ang mga dairy product gaya ng gatas at yogurt ay mayroong vitamin A at zinc. ANg vitamin A ang nagbibigay ng proteksyon sa cornea samantalang ang zinc ang tumutulong upang madala ang vitamins sa mata mula sa liver.
Ang zinc ay makikita sa retina at choroid ng mata.
Sa pag-aaral, ang mga dairy product na mula sa mga hayop na kumakain ng damo gaya ng baka ang marami magbigay ng bitaminang ito.