HINDI naman porke’t napunta ka sa Kia Picanto ay ‘end of your career’ na.
Para sa mga rookies, start pa lang iyon at puwede silang umasinta ng mas magandang kalalagyan sa PBA kung pagbubutihan ang performace. Huwag lang lulugo-lugo at tatamad-tamad dahil walang ibang koponang makakapansin. Mabuburo at makakalimutan lang.
Para naman sa mga manlalarong nalaglag sa Kia buhat sa ibang teams, aba’y pansamantalang pagkabalahaw lang iyan.
Kung magpapakitang-gilas, tiyak na dadamputin din ng ibang teams at pakikinabangan balang araw.
Tingnan mo si Alex Mallari na nalaglag sa Kia galing sa Star Hotshots. Ngayon ay nasa NLEX Road Warriors na sa ilalim ni coach Yeng Guiao.
At heto si LA Revilla na kamakailan ay naging subject ng social media matapos siyang mag-tweet laban sa Kia at tuligsain ang pagkakapamigay sa No. 1 pick ng 2017 Rookie Draft na si Christian Standhardinger.
Kasi nga, feeling niya ay hindi dapat na ipinamigay ang 6-foot-7 Fil-German na siyang future ng team. Pwede kasing kay Standhardinger sinimulan ng Kia ang pagbuo ng malakas na team. Siyempre hindi naman agad lalakas ang Kia dahil sa isang manlalaro. Pero darating ang araw na makakakuha pa sila ng ibang malalakas na manlalaro na bubuo sa kanilang winning formula.
Pero binanatan nga ni Revilla ang kanyang koponan at natural na sumama ang loob sa kanya ng managament.
Bagamat humingi siya ng apology ay hindi na iyon naging sapat.
At kahit na si Revilla ang pangunahing point guard ng team na siyang nagdidikit-dikit sa lahat ng piyesa ay minabuti ng Kia na ipamigay ito.
Well, mukhang nagtagumpay sa kanyang sugal si Revilla.
Aba’y sino ba naman ang tatanggi sa kanya? Kita naman ang kanyang husay. Tiyak na magiging asset siya ng kahit na anong koponan. Lalo na ng isang nangangailangan ng mahusay na point guard at nangangarap na makaahon buhat sa mala-bangungot na performance noong nakaraang taon.
Kinuha siya ng Phoenix Fuel Masters na ngayon ay hawak ni coach Louie Alas.
At alam ninyo ba kung ano lang ang naging kapalit? Second round pick sa susunod na draft.
Parang libre, hindi ba? Kasi hindi naman mga star players ang makukuha sa second round kundi mga role players at napagpilian na.
Kung sa mata ng Kia ay iyon lang ang halaga ni Revilla, e nagkakamali sila.
Higit pa roon ang value ni Revilla.
Hindi naman pipitsuging player si Revilla, e. Miyembro siya ng champion teams ng San Beda Red Lions sa NCAA at La Salle Green Archers sa UAAP.
Sanay siyang manalo. Hindi nga lang siya nabigyan ng pagkakataong patunayan ito sa PBA.
Alam ni Alas kung paano siya gagamitin. Hindi naman siya kukunin nito kung wala siyang pakinabang.
Tiyak na ngayon ay makikita ng lahat ang kanyang huhay at halaga!