MAY pinagpistahang female personality sa isang umpukan ng mga becki isang gabi. Matagal nang naganap ang lahat pero hanggang ngayon ay naaalala pa rin ng tropa dahil baligtad na ang kuwento ng kasaysayan ng babaeng personalidad.
Kasikatan nu’n ng female personality, ang ilusyon niya ay wala nang katapusan ang mga tinatanggap niyang suwerte at papuri, kaya lumobo ang kanyang ulo.
Kaliwa’t kanan ang kanyang trabaho, meron sa pelikula, telebisyon, sumisingit pa ang kanyang mga shows sa iba’t ibang probinsiya dahil singer din daw siya.
Kuwento ng isa sa mga nasa umpukan, “’Yun ang time na kung makapanglait siya ng mga kasamahan niyang artista, e, parang wala nang bukas pa. Grabe ang bibig ng babaeng ‘yun, parang siya na ang may-ari ng buong planeta.
“Meron lang siyang hindi magustuhan, e, siguradong bibirahin na niya ang personality nang walang kalaban-laban. Halatang-halata na wala siyang breeding dahil kung meron, mararamdaman din ‘yun ng mga nakakasama niya sa trabaho.
“Napakatindi niyang magpahintay. Umaga ang calltime niya, pero dumarating siya nang after lunch na, kundi man padilim na. Sayang ang mga kukunan na eksenang day-effect ang requirement. Maghihintay na naman kinabukasan.
“Ang feeling niya nga kasi, e, siya ang bida, kaya may karapatan siyang magpa-late at magpahintay sa mga co-stars at production. Kapag sinita siya, lalong magkakaroon ng problema ang director, kasi, bigla na lang siyang nawawala.
“Umaalis siya nang walang paalam, nagpapatay siya ng phone, ipinao-off din niya ang phone ng PA niya. Isa siyang malaking sakit ng ulo ng lahat!” kuwento ng aming impormante.
Pero umiikot nga ang gulong ng kapalaran. Ang mapagmalabis na female personality ay biglang nawala sa eksena, magkaroon man siya ng trabaho ngayon ay hindi na siya ang bumibida at isa na lang siya sa maraming pangdagdag sa proyekto, lipas na ang kanyang panahon.
“Ma-realize din sana ng ibang mga artista na walang may hawak ng bukas, lahat ng bagay, e, lumilipas, lalo na ang popularity. Tulad ng girl na ito, nasaan na ba siya ngayon?
“Wala na ang popularity niya nu’n, nawala na rin ang mga ipinundar niya, kaya totoong-totoo na life is not always a bed of roses. Pana-panahon lang ang pagsikat. Pero palaging naghihintay ang paglubog,” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, wala nang kailangang clue, kilalang-kilala n’yo kung sino ang naging palalong female personality na ito!