3 bata nilamon ng dagat; 2 patay, 1 nawawala

Patay na nang matagpuan Huwebes ang dalawa sa tatlong bata, na nahulog sa palalim na bahagi ng dagat at inanod habang naglalakad malapit sa dalampasigan ng Mercedes, Camarines Norte, Miyerkules ng gabi.
Unang natagpuan ang mga labi ni James Sierra, 4, sa dalampasigan ng Brgy. San Roque dakong alas-6 ng umaga, at narekober ang bangkay ng kuya niyang si Jommel sa sa Purok 3, Brgy 6, dakong alas-12 ng tanghali, sabi sa BANDERA ni Chief Insp. Charles de Leon, hepe ng Mercedes Police.
Pinaghahanap pa ng mga otoridad ang panganay na si Jasmine Sierra, 9, aniya.
Naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi, habang nagbabangka ang tatlong bata at ama nilang si Jerry, 45, malapit sa baybayin ng Brgy. 4.
Pauwi mula sa isang birthday party ang mag-aama nang maganap ang insidente.
“Si Jerry galing sa San Isidro, Daet, naka-motorized banca kasama ang mga bata. Di niya alam na may isang birthday party pala, so pumunta sila dun tapos nung pabalik na ng bahay, sumadsad sila sa mababaw na area, sa may mga bakawan,” ani De Leon.
“Nung nakita ni Jerry na medyo mababaw, nag-decide siya na lakarin na lang para pagdating pier dun sila sasakay ng bangka. Habang naglalakad, biglang may malalim na portion, biglang lalim, dun na sila nagkahiwa-hiwalay,” aniya.
Sinubukan pang sagipin ni Jerry ang mga anak, pero habang lumalangoy ay nabitawan ang bunsong si James, ayon sa police official.
“Tapos ang ginawa niya, kasi kinakapos din siya ng hininga, humingi na ng tulong, eh pagbalik doon, wala na ‘yung mga bata, naanod na,” ani De Leon.
Naiulat sa pulisya ang insidente dakong alas-10, at matapos iyo’y dinala si Jerry sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Nagsagawa naman ng search and rescue operation ang Mercedes Police, PNP Martitime Group, Coast Guard at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office hanggang alas-12:30 ng madaling-araw Huwebes.
“Na-terminate ‘yung unang search and rescue 12:30, then bumalik kami before 5 a.m. hoping na, sana, buhay pa yung mga bata. Tapos nung mag-alas 6, ‘yun na, naretrieve na si James,” ani De Leon.
“Nag-alarma din kami sa mga barangay captain at mga tanod na malapit sa dagat, para kung sino man sa kanila ang makakita, sabihin samin. Tapos may nag-info na samin na andun na si Jommel sa Purok 3, Brgy 6,” aniya.
Sa inisyal na ulat ng Bicol regional police ay kinilala ang mga anak ni Jerry bilang sina Jasmine, 8; John Adrian, 5; at Jommel, 3.
Ayon kay De Leon, napag-alamang mali ang mga naibigay na pangalan ni Jerry nang magtungo ang kanyang misis sa istasyon ng pulisya Huwebes.
“‘Yung mga unang pangalan talagang mali, pero ‘yun ‘yung mga sinabi nung tatay. ‘Yung mga ‘yun pala na sinabi niya mga ibang anak, mga buhay ‘yun. Mali-mali ang nasabi niya, siguro kasi traumatized siya,” ani De Leon.
Bukod sa paghanap sa nawawala pang si Jasmine ay nagsasagawa rin ng imbestigasyon ang pulisya upang malaman kung may kapabayaang naganap sa panig ng ama, aniya.

Read more...