LIMANG taon na ang award-winning GMA drama anthology na Magpakailanman hosted by Mel Tiangco.
At sa pagpasok ng programa sa ikaanim na taon, nais ng buong produksyon na makapagpalabas pa ng mas maraming inspiring stories na maaaring makapagpabago ng buhay ng bawat Pilipino.
“Gusto namin ng mga kuwentong lalong mag-i-inspire sa mga viewers. Hindi lang ‘yung nagagandahan sila sa istorya, gusto namin na kapupulutan talaga ng aral, kapupulutan nila ng impormasyon na magagamit nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay,” sabi ng multi-awarded news anchor na si Mel Tiangco nang humarap sa entertainment media para sa 5th anniversary presscon ng kanilang weekly drama series.
Dugtong pa niya, “We wanted stories na talagang inspiring on every scene. We want stories na talagang malinaw na malinaw ang inspirasyon na ibibigay sa mga televiewers namin.”
Nauna nang napanood ang dalawa sa month-long anniversary presentation ng Magpakailanman, ang “BSF: Best Sisters Forever” na pinagbidahan nina Sunshine Dizon, Diana Zubiri, Sheena Halili at Sanya Lopez, at ang trending episode na “My heart Belongs to You: The Bud & Gloria Brown Story” nina Denise Barbacena at Ivan Dorschner.
Ngayong Sabado ng gabi, tutukan naman ang episode na “Isang Bata, Dalawang Ina” starring Yasmien Kurdi and Sharmaine Arnaiz, directed by Gina Alajar.
Ito’y kuwento ng isang bata na nawalay sa kanyang ina, at napunta sa pangangalaga ng isang babae. Inalagaan ng babae ang bata at itinuring niya na rin itong parang anak. Hanggang sa dumating ang araw na magkita ang dalawang nanay.
Sa Nov. 25 naman, tampok ang istorya ng isang sundalong nakikipaglaban para sa bayan ang “Kuwentong Marawi Sa Mata Ng Isang Sundalo.” Ito’y pagbibidahan naman ng Pambansang Bae na si Alden Richards and direction by Mark dela Cruz.
“‘Yung sundalo sa Marawi. This guy continued to fight despite ng mga tama niya ng bala. So nandu’n ‘yung pagmamahal sa bansa mo. Nandoon ka na eh, ‘yung pagkakataon na ipagtanggol mo ‘yung mga kababayan mo, ipagtanggol mo ‘yung bansa mo. ‘Yung ganu’ng klaseng pagmamahal, ipi-feature namin ‘yan,” pahayag ni Mel.
Napapanood pa rin ang Magpakailanman tuwing Sabado ng gabi after Pepito Manaloto sa GMA.
Samantala, natanong din ang Kapuso newsanchor kung payag ba siyang itampok sa MPK ang kanyang life story, ang tugon niya, “May be not. Corny lamang eh. Kapag naging makulay na. Ang ibig ko lang sabihin, walang extraordinary sa buhay ko. Hindi naman boring, pero routinary lang ang buhay ko.”