Goodbye na nga ba sa hari ng kalsada?

NOONG nakaraang buwan, dalawang araw na sinuspinde ang klase at trabaho sa gobyerrno dahil sa tigil-pasada na inilunsad ng mga driver at operators ng mga pampasaherrong jeepney.
Ang sabi nila, gusto ng gobyerno na i-phaseout ang mga jeepney sa lansangan.
Paano na nga naman ang mga driver at operator niyan? Saan sila kukuha nang kanilang ikabubuhay ng kanilang pamilya.
Pero sabi ng gobyerno hindi aalisin ang jeepney, gagawin lang moderno ang kanilang hanay.

Kasaysayan
Napakatagal nang hari ng kalsada ang mga pampasaherong jeepney sa Pilipinas bagamat sa ngayon ay nakikipagkompitensya na sa kanila ang mga tricycle at bus.
Bago pa ang World War II, gumawa ng sasakyan ang Austin Motor Co., at tinawag nilang Jitney. Mas maikli ito kumpara sa nakagisnang pampasaherong jeepney ng kasalukuyang henerasyon at mas malapit ang itsura sa owner type jeep.
Ang pangalang jeep ay halaw sa “Eugene the Jeep” na isang karakter sa cartoon na Popeye.
Nang gamitin ng US Army ang jeep noong 1941, na ang gumagawa ay ang Ford Motors Company at Willys-Overland. Tinawag ng Willy’s ang kanilang produkto na jeep.
Iniwan ng mga Amerikano ang mga jeep matapos ang gera at ito ang naging simula ng paggamit ng jeep bilang pamasada. Ibinibenta ito sa halagang $50 na ang katumbas noon ay P100.
Nakakuha ng mga unit si Leonardo Sarao at pinalitan niya ang kaha nito at naging pampasaherong jeepney.
Noong 2007, ang bilang ng mga jeepney ay nasa 1.6 milyon.
Dahil sa dami ng mga jeepney, isa sila sa itinuturong sanhi ng polusyon. Marami sa mga jeepney ay luma na kaya mausok na.
Kalimitan ay hindi rin bago ang makina na ikinakabit sa mga ‘bagong’ jeepney na ina-assemble. Inaangkat ang mga makinang ito sa ibang bansa at ikinokondisyon.

 

Kita
Sa kasalukuyan ang average na kita ng mga driver ng jeepney ay P600 kada araw. Kasali rin sila sa number coding kaya hindi kumpletong pitong araw ang biyahe sa isang linggo.
Ang average na boundary naman ay P900.
Sa planong modernisasyon ng sektor na ito, 270,000 ang jeepney na inaasahang tatamaan.
Ang halaga ng jeepney ay nasa P715,000 hanggang P795,000 at mas mataas ang halaga nito kung kukuning hulugan.
Malayo ito sa P1.4 milyon hanggang P1.6 milyong halaga ng mga modernong jeepney na nais ipagamit ng Department of Transportation.
Dahil mahal, ang mga maaapektuhan ay maaaring umutang sa Land Bank of the Philippines o Development Bank of the Philippines. Sinasabing P1 bilyon ang inilaan ng LBP at P1.5 bilyon naman ang DBP para sa loan.
Hindi na rin pwede na ang isang operator ay mayroon lamang isang unit. Kadalasan ang driver ang may-ari ng prangkisa ng kanyang ipinapasada.
Sa bagong setup, ang isang operator o may hawak ng prangkisa ay dapat may 10 unit pataas. Kaya kakailanganin niya ng P14 milyong puhunan.
Sa pagpapalit ng sasakyan, ang kikita lamang umano rito ay ang negosyanteng gumagawa nito.

Ang mga modernong jeepney ay gumagamit pa rin ng diesel pero Euro 4 compliant na ang makina kaya hindi mausok. Magagamit ang mga sasakyang ito sa mahahabang biyahe.
Ang de-bateryang electric o e-jeepney ay para naman sa mga maiikling biyahe. Magkakaroon ng mga charging station sa mga terminal para sa mga ito.
Mawawala na rin ang barya lang sa umaga, dahil ang pamasahe ay electronic na rin gaya ng MRT at LRT, card na lang. Wala nang suklian, at wala na ring 1-2-3.
Sa kasalukuyan ang isinisiksik sa mga jeepney ay 16 hanggang 20 pasahero. Sa mga bagong jeepney pwedeng umabot sa 22. May mga disenyo ng modernong jeepney na posibleng bigayang espasyo ang mga nakatayong pasahero na parang bus.
Ang mga modernong jeepney ay mayroon ding CCTV, GPS at Wi-Fi na wala ang mga kasalukuyang pampasaherong jeep.
Malayo rin ang itsura nang nakagisnang jeepney sa disenyong naglabasan. Ang pintuan ng jeepney ay sa likod at ang bago ay nasa gilid na parang sa bus.
Kayo na ang magpasya kung binubura na nga ba ang jeepney sa mga kalsada o pinapalitan lang ang itsura nito upang maging angkop sa kasalukuyang panahon.

Read more...